Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#Mitolohiya

PINAGMULAN NG MUNDO
Unang Dinastiya: Sina Uranus at Gaea
Babala: May mga pagtukoy sa relasyong insesto at poligamya
Ang mga sinaunang Griyego ay mayroong iba’t ibang teorya tungkol sa pinagmulan ng mundo, pero ang pinakatinatanggap na nosyon ay ito: noong bago daw lumitaw ang mundo, mayroong lugar na binubuo nang hindi maunawaan at walang hugis na elemento na tinatawag na Kaguluhan (Chaos). Ang mga elementong ito ay nabuo (kung sa paanong paraan ay hindi sinabi), nagsama-sama ang magkakaibang mga bagay, ang magagaang bahagi ay pumaitaas at bumuo ng kalangitan, at lumikha ng malawak na bubungan na pumuprotekta sa matigas at solidong bagay sa ilalim nito. Sa ganito nalikha ang dalawang sinaunang diyos ng mga Griyego, sina Uranus at Gaea. Si Uranus, ang mas dakilang diyos, ay sumisisimbolo sa ilaw at hangin ng kalangitan, nagtataglay ng mga katangian ng liwanag, init, linis at palagiang presensiya. Samantalang si Gaea , ang buo at patag, ay nagkakaloob ng buhay na lupa, ay sinasamba ng lahat bilang inang nagkakaloob ng biyaya. Ang maraming titulong ipinapataw sa kaniya ay sa ganitong katangian at tila sinasamba siya ng karamihan ng mga Griyego sapagkat halos lahat ng mga siyudad sa Gresya ay mayroong templo para sa pagsamba sa kaniya. Napakataas ng pagtingin kay Gaea na ang pangalan niya ang laging sinasambit sa tuwing gagawa ng pangako ang mga Diyos, o magbibigay ng deklarasyon, o hihingi ng tulong. Si Uranus, ang kalangitan, ay pinaniniwalaang pinag-isa ang kaniyang sarili kay Gaea, ang lupa. Kung pagninilayan natin ito, makikita natin ang ideyang ito bilang puno ng imahinasyon, subalit lohikal rin sapagkat kung titingnan natin ito sa simbolikong paraan, makikita natin na nangyayari ang ganitong pagsasama. Ang ngiti ng kalangitan ay lumilikha ng mga bulaklak ng kalupaan. Samantalang ang pangmatagalang galit nito ay nagdudulot ng labis na lungkot sa kaniyang mapagmahal na kabiyak na hindi na niya binabalot ang sarili sa maliliwanag at magagarang kasuotan, sinasagot din ng kalumbayan ang kaniyang kalungkutan. Ang panganay na anak nina Uranus at Gaea ay si Oceanus, ang karagatan, ang malawak na habang-buhay na katubigan na pumapalibot sa mundo. Dito ay muli na naman nating makikita ang lohikal subalit maimahinasyong kongklusyon, sapagkat kapag inunawa natin ang kalikasan ay makikita nating ito ay totoo. Ang karagatan ay nalilikha mula sa ulan na galing sa langis at sa batis na umaagos mula sa lupa. Sa paglikha kay Oceanus bilang anak nina Uranus at Gaea, ang mga sinaunang tao ay kinilala lamang na ang karagatan ay nalilikha sa pagsasama ng langit at lupa, samantalang ang kanilang mayamang imahinasyon ay nagdala sa kanila upang makakita sa kalikasan ng isang tunay at kongkretong diyos. Pero si Uranus, ang langit, ang pagsasakatawang-tao ng liwanag, init, at hininga ng buhay, ay lumikha pa ng mga anak na hindi kasing-kongkreto ni Oceanus. Sinasabi na ang mga anak niyang ito ay nakatira sa espasyo na humihiwalay sa kaniya kay Gaea. Ang pinakamalapit kay Uranus, at nasa ilalim lamang niya ay si Aether, ang maliwanag na nilalang na sumisimbolo sa kakaiba at mahiwagang atmospera na tanging mga imortal lamang ang nakakalanghap. Sumunod sa kaniya ay si Aer (Hangin) na malapit kay Gaea, at sumisimbolo sa mas mabigat na atmospera na pumapalibot sa lupa na nalalanghap ng mga mortal. Kung wala ang mga ito ay maglalaho ang mga mortal. Sina Aether at Aer ay pinaghiwalay ng mga diyos na tinatawag na Nephelae. Ang mga ito ay ang hindi mapalagay at laging naglalakbay na magkakapatid na babae, ang mga ulap, na palutang-lutang sa pagitan nina Aeter at Aer. Si Gaea ay nanganak ng mga bundok at si Pontus, ang dagat. Nagsama sila ng huli at ang kanilang naging mga anak ay mga diyos ng dagat na sina Nereus, Thaimas, Phorcys, Ceto at Eurybia. Kasabay na nabuhay nina Uranus at Gaea ang dalawa pang makapangyarihang nilalang na anak din ni Kaguluhan. Sila ay sina Erebus (Kadiliman) at Nyx (Gabi). Nabuo sila na ibang-iba sa masayang liwanag ng langit at ngiti ng lupa. Namuno si Erebus sa misteryosong mundo sa ilalim kung saan walang tumatamang sinag ng araw, walang liwanag, at walang tumutubong anumang halamang nagbibigay-buhay. Si Nyx, ang kapatid na babae ni Erebus, ay sumisimbolo sa Gabi, at matimtim na sinasamba ng mga ninuno. Si Uranus ay napag-isa rin kay Nyx, subalit bilang diyos ng liwanag lamang dahil siya ang kinikilalang pinagmulan at bukal ng lahat ng liwanag. Ang kanilang mga anak ay sina Eos, ang Madaling-Araw, at Hemera, ang Araw. Si Nyx ay mayroon ding ikalawang asawa, sapagkat kasal din sila ni Erebus. Maliban sa mga anak nina Uranus at Gaea na nasabi na, nakalikha pa sila ng dalawang lahi ng mga nilalang na tinatawag na mga Higante at Titans. Sa mga Higante ay nagsakatawang-tao ang hindi matatawarang lakas. Subalit sa mga Titans, maliban sa pisikal na lakas ay mayroon pa silang iba’t ibang uri ng talino. Mayroong tatlong Higante, sina Briaeus, Cottus, at Gyges na nagtataglay ng isangdaang kamay at limampung ulo, at kolektibong kinikilala bilang Hecatoncheiries, na sumisimbolo sa sandaang kamay. Mayroon ding mga Higante na kayang ugain ang uniberso at lumilikha ng mga lindol. Kung gayon, sumisimbolo sila ng mga aktibong galaw ng kalikasan. Labing-dalawa ang mga Titans. Ang kanilang mga pangalan ay sina Oceanus, Ceos, Crios, Hyperion, Iapetus, Cronus, Theia, Rhea, Themis, Mnemosyne, Phoebe, at Tethys. Ngayon si Uranus, ang mabuting liwanag ng langit, ang esensiya ng lahat ng maliwanag at maganda, ay kinasusuklaman ang kaniyang brusko, magaspang, at mababangis na mga anak, ang mga Higante. Natakot siya na baka dumating ang araw na gagamitin nila ang kanilang malakas na kapangyarihan upang saktan siya. Kaya naman itinapon niya ang mga ito sa Tartarus, sa bahagi ng ilalim ng mundo na nagsisilbing piitan ng mga diyos. Para ipaghiganti ang opresyon ng kaniyang mga anak, ang mga Higante, inudyukan ni Gaea ang mga Titans na mag-alsa laban kay Uranus. Ito ay matagumpay na naisagawa ng kaniyang anak na si Cronus. Nasugatan niya ang kaniyang ama, at mula sa dugo ng kaniyang sugat ay lumabas ang mala-halimaw na mga nilalang na tinatawag ding Higante. Katulong ang kaniyang mga kapatid na Titan, nagtagumpay si Cronus na patalsikin ang kaniyang ama. Labis itong nagalit sa kaniyang pagkatalo at isinumpa ang nagrebeldeng anak na daranasin din nito ang kaparehong kapalaran. Kung gayon ay nagkaroon ng lubos na kapangyarihan si Cronus. Pinagkalooban niya ng mga posisyon ang kaniyang mga kapatid subalit mas mababa ang mga ito sa kaniya. Subalit nang matiyak niya na matibay na ang kaniyang posisyon, at hindi na niya kailangan ng tulong ng mga ito, sinuklian niya ng katakwilan ang kanilang tulong. Nakipaglaban siya sa kaniyang mga kapatid at dating kaalyado. Sa tulong ng mga Higante, natalo niya ang lahat ng mga ito at ipinatapon sila sa pinaka-ibabang bahagi ng Tartarus. (c) Herbel Santiago, salin, 2021
Ang akdang ito ay isinalin ni Herbel Santiago sa Filipino. Ang orihinal na akda ay isinulat ni EM Berens na mababasa sa librong ‘Legends of Greece & Rome’ na may bukas na lisensiya (Creative Commons) sa ilalim ng Project Gutenberg.
Mga Mitolohiya ng Iba’t Ibang Bansa
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸