Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#Mahalaga Books #Literary Criticism

Pagsusuri sa Unang Kabanata ng El Filibusterismo
SA UNANG KABANATA ng El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal, ipinakita ng kabanatang “Sa Kubyerta” na ang naghaharing uri ng lipunan ang lumilikha ng mga desisyong gumagamit ng likas-yaman ng bansa upang matupad ang mga panukala ng naghaharing uri. Upang maisakatuparan ito, tinatanggal ng mga naghaharing uri ang kapangyarihan sa mga katutubo.
Ang kubyerta ay salitang Espanyol na “cubierta” na nangangahulugang takip. Sa unang kabanata ng nobela, ang kubyerta ay tumutukoy sa itaas na bahagi ng Bapor Tabo. Base sa detalyeng ito, mailalagay natin ang teksto sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Ang “naghaharing uri” ay tumutukoy sa mga uri ng tao na nasa itaas ng lipunan na kinabibilangan ng mga prayle, mga negosyante, propesyunal, at mga taong malapit sa mga mananakop. Samantala, ang “katutubo” ay tumutukoy sa mga taong taal na naninirahan sa mga kapuluan ng Pilipinas.
Naging tuluyan ang pagsakop sa arkipelago sa panahon ng ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legazpi sa kapuluan ng Cebu noong 1564. Ayon sa historyador na si Teodoro Agoncillo:
Exactly twenty-two years since Villalobos set sail from the same port of Juan Gallego, four vessels of about 350 men sailed for the Philippines in 1564. By February 1565, Legazpi reached Cebu and contracted blood compacts with Si Katunaw and Si Gala at Bohol. In April of the same year, … “the first Spanish town established in the Archipelago” and the pioneer permanent settlement in the Philippines (76).
Dahil sa natural na pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapuluan sa arkipelago, nagpatuloy ang pagsakop hanggang sa bahagi ng Luzon.
…there existed on the eve of the coming of the Spaniards fragmented units of islands and islets of various sizes separated by numberless bodies of water, as well as multiple ethnolinguistic groups, mostly animistic, and in the South, Islamized. Thus, with Filipino society split into numerous disunified barangay units, it was impossible to put up an effective armed resistance against the well-equipped and prepared conquistadores (Agoncillo 77).
Nailimbag ang nobelang El Filibusterismo noong 1891 kung kailan halos 300 na taon ng namumuno sa kapuluan ang mga Espanyol.
Ang Naghaharing Uri
Sa pagbubukas ng kabanata, inilatag ng nobela ang mga naghaharing uri sa lipunang ito at ang mga taong kanilang mga pinaghaharian.
Ang unang tauhang ipinakilala ay ang kapitan ng Bapor Tabo. Isa siyang “ginoong mukhang magiliw, mukhang matanda na, dating marino na pumalaot sa higit na malalaking dagat noong kabataan niya at ngayong tumanda’y kailangang magpamalas ng higit na pagmamatyag, pag-iingat, at pagbabantay upang maligtasan ang mga munting panganib” (Rizal 2). Sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, limang marino pa ang ipinakilala na nagpapaandar ng bapor. Ayon sa teksto, “…limang marino na may tangang mahahabang tikin upang tulungan pakaliwa o pakanan ang pihit ng timon” (Rizal 2).
Kapansin-pansin na nakilala natin ang mga manggagawa sa bapor subalit hindi sila binigyan ng mga pangalan. Ipinakilala sila bilang dahilan ng pagsakit ng ulo ni Donya Victorina. Ayon dito, “At tumitindi ang ulo ng senyora tuwing sisigaw ang Kapitan ng baporb! estriborp! at mabilis na kinukuha ng mga marino ang kanilang mahahabang tikin, itinutusok sa isa o sa kabilang gilid, pinipigil sa pamamagitan ng kanilang mga binti at balikat ang pagsadsad ng bapor sa dakong iyon” (Rizal 3).
Base sa mga bahaging ito, makikita na ang bulto ng paggawa upang umandar ang bapor ay nasa mga manggagawa at kapitan na mga indio o katutubo. Ayon dito, “…pawang mga Indio ang nagtitimon, Indio ang mga marino, Indio ang mga makinista” (Rizal 2). Hindi pinangalanan ang mga tauhang ito upang ipakita na sila ay mga imbisibol o hindi nakikita sa lipunang ito.
Ang nakikinabang sa trabaho ng mga hindi napapansing mga marino at kapitan ay ang mga naghaharing uri ng lipunan. Sila ay naroon,”…sa lilim ng toldang nagtatanggol sa kanila sa init ng araw, nakalikmo sa mga maginhawang silyon ang ilang pasaherong nakadamit Europeo, ilang mga fraile at empleado, humihitit ng tabako, nagninilay sa tanawin, at sa malas, hindi pansin ang mga pagsusumakit ng kapitan at ng mga marino upang maiwasan ang mga balakid sa ilog” (Rizal 2).
Ipinakita ang malakas na pagkiling sa mala-Europeong kamalayan ng tauhang si Donya Victorina.
Kilalang-kilala ang Donya Victorinang ito dahil sa kaniyang luho at kapritso…May katandaan na ang senyora nang mapangasawa ang isang sawimpalad na nagngangalang Don Tiburcio de Espadana…Labinlimang taon na siyang kasal, nakapeluka at nakasuot taga-Europea. Kaisa-isang pangarap niyang maging Europea, kaya’t mula sa isinumpang araw ng kaniyang kasal, salamat sa kaniyang mahalay na pagsisikap, unti-unti siyang nagtagumpay baguhin ang sarili (Rizal 3).
Ang mataas na pagkilala kay Donya Victorian ay nagmula sa pag-aasawa niya ng isang Espanyol, si Don Tiburcio. Kung gayon, ang unang landas upang magtamo ng kapangyarihan ay ang yakapin ang pamumuno ng mga Espanyol at sumubok na maging bahagi nito.
Subalit, mapapansin na ang dahilan ng pagsakay ni Donya Victorina sa Bapor Tabo ay ang pagnanais niyang habulin ang asawa niyang si Don Tiburcio. Ayon sa teksto, “sa dulo ng maraming taon nilang pagsasama, ang kaniyang asawa, na mistulang fakir ang pagtitiis sa kaniya…ay dinatnan ng masamang araw…Hinambalos siya ng saklay nito” (Rizal 4). Pagkatapos nang ginawang paglaban, lumayas si Don Tiburcio na siya ngayong hinahabol ni Donya Victorina.
Ipinakita ni Don Tiburcio ang natural na reaksyon ng mga tao na magrebelde at lumaban sa isang sitwasyong hindi maganda. Sa pagkakataong ito, ang sitwasyon na hindi maganda ay ang nakakasakal na pamamahala ni Donya Victorina.
Maliban kay Donya Victorina, matatagpuan din sa kabanatang ito ang tatlong fraile na sina Padre Salvi, isang Pransiskano na alagad ng agham, si Padre Sibyla na isang Bise Rektor ng Unibersidad, at si Padre Camorra na isang fraile artilyero. Sila ang kumakatawan sa malaking impluwensiya ng mga prayle sa kolonya.
The parish priest was more often than not, the only Caucasian and the most important official dominating the town during the entire span of the colonial period. “The friars were not only the parish priests or spiritual guides…but in effect were rulers of the municipalities” (Agoncillo 82).
Ayon sa isinulat ni Marcelo H. Del Pilar, isang manunulat:
…The friars control all the fundamental forces of society in the Philippines. They control the educational system, for they own the University of Santo Tomas, and are the local inspectors of every primary school. They control the minds of the people because, in a dominantly Catholic country, the parish rectors can utilize the pulpit and confessionals to publicly or secretly influence the people; they control all the municipal and local authorities and the medium of communication; and they execute all the orders of the central government… (qtd in Agoncillo 82).
Naganap ang tuluyang pagsakop ng kamalayan ng mga katutubo sa pamamagitan ng ipinatupad na reduccion o pagsasama-sama ng mga gusali ng komunidad sa ilalim ng kampana ng simbahan.
With the reduccion, the Spaniards attempted to tame the reluctant Filipinos through Christian indoctrination in a quite novel settlement pattern using the convent/casa real/ plaza complex as the focal point (Agoncillo 83).
Sa unang kabanata, ipinakita ang malaking impluwensiya ng mga prayle sa paglikha ng mga desisyon na may kinalaman sa Estado. Halimbawa, sinambit ng Pransiskanong si Padre Salvi na “May Puente del Capricho tayo riyan sa probinsiya, isang tulay na itinayo ng isang kapatid namin at hindi natapos, dahil sa mga alagad ng siyensiya, batay sa kanilang mga teorya, kulang ito sa tibay at mapanganib” (Rizal 5).
Maliban sa mga prayle, ipinakilala din si Don Custodio at si Simoun Ibarra, dalawang tauhang ang pinagmumulan ng kapangyarihan ay ang kanilang posisyon sa gobyerno. Si Don Custodio ay may katayuang “independiyente at mataas na tungkulin” (Rizal 6). Samantala, si Simoun ay isang “alahero” na “nagpapayo…sa Heneral at nakikini-kinita na ng lahat na maisasakatuparan ang lunas” (Rizal 5).
Ipinakita nito ang hirarkiya ng pulitika kung saan nakasentro ang kapangyarihan na pamahalaan ang sistema ng ekonomiya, hustisya, at pang-araw-araw na pamamalakad sa kamay ng isang Espanyol na hinirang bilang Kapitan-Heneral:
From 1565 to 1821, the Philippines was a captaincy-general administered by the Spanish king through the vice-royalty of Nueva Espana (Mexico)…On the national level with its seat of power in Manila (Intramuros), the King,…governed through his sole spokesman and representative in the Philippines, the gobernador y capitan-general. As Captain-General of the colony, the gobernador-general was Commander-in-Chief of the army and the navy. He was also president of the Real Audiencia (Supreme Court), the island’s highest judicial body…The governor-general was the source of civil power for the various levels of administration (Agoncillo 77-78).
Ang Panukala
Upang mabigyan ng solusyon ang problemang inilatag ni Donya Victorina, dalawang nagtatalabang panukala ang inilatag ng mga nag-uusap.
Una, ibinigay ni Simoun ang suhestyon na “humukay ng isang tuwid na kanal mula sa luwasan hanggang sa hulo ng ilog, na magdaraan sa Maynila. Ang ibig sabihin, gumawa ng bagong ilog at sarhan ang matandang ilog. Makatitipid ng lupa, iikli ang paglalakbay , at mapipigil ang mga balaho” (Rizal 6).
Ang panukalang ito ay magbibigay ng mabilisang solusyon sa problema subalit isa itong mapanikil na panukala. Upang maisakatuparan ito, aalipinin ang mga katutubo sa pamamagitan ng sapilitang paggawa:
Puwes, kung hindi sasapat, pagtrabahuhin ang boung bayan, pati ang mga matatanda, mga kabataan, mga musmos. Sa halip na labinlimang araw, gawing tatlo, apat, limang buwan para sa estado. May dagdag pang obligasyon ang bawat isa na magdala ng sariling pagkain at kagamitan! (Rizal 6).
Ang pangalawang panukala ay ibinigay ni Don Custodio. Isa itong panukala na mas matagal magkaloob ng solusyon subalit higit na mapayapa. Tulad ng nauna, gumagamit din ito ng likas na yaman ng mga katutubo.
Pipilitin ko ang lahat ng mga bayan sa paligid, kapalit ng mga balaho, na mag-alaga ng mga pato. At makikita ninyo, sila mismo ang magpapalalim ng ilog dahil sa panghuhuli ng mga susộ. (Rizal 9-10).
Sa magkaparehong panukala, imbisibol ang mga katutubo sapagkat hindi hinihingi at kinikilala ang kanilang kakayahang makibahagi sa pagbibigay ng solusyon.
Ang Bapor Tabo
Kapansin-pansin na maliban sa inilatag na dalawang nagtatalabang uri ng solusyon, lumutang din ang simbolismo ng tabo.
Ang Bapor Tabo ang barko na sinasakyan ng mga tauhan. Ito ay “isang bapor na anyong mabigat, bilog halos tulad ng tabo na pinagmumulan ng pangalan nito, marusing sa kabila ng pagkukunwang maputi, ngunit maharlika at kapita-pitagan dahil sa kabagalan.”
Malaki ang bahaging ginagampanan ng tabo sa pamumuhay ng mga katutubo. Sa kultura ng mga Pilipino, ito ay isang mahalagang kasangkapan upang malinis ang kanilang puwetan matapos dumumi.
Sa unang kabanata, ipinakita kung paanong tila mga tabo ang mga katutubo na taga-linis ng dumi ng mga naghaharing uri. Ipinakita ng mga panukala ni Simoun, ang pagtatayo ng bagong ilog sa pamamagitan ng sapilitang paggawa, at ni Don Custodio, ang pag-aalaga ng mga pato upang mapalalim ang ilog, na kasangkapan ang mga katutubo upang malinis ang problema ng mga naghaharing uri.
Ang paggamit ng imahe ng tabo ay isang mapangahas at mapagkutyang desisyon ng manunulat na si Dr. Jose Rizal upang ipakita sa mga mambabasa ang naging mga pambabastos ng mga naghaharing uri sa mga katutubo.
Bago dumating ang mga Espanyol, may sariling sibilisasyon nang umiiral sa mga lugar sa arkipelago.
The ancient Filipinos had a culture that was basically Malayan in structure and form. They had written languages…and used them not only as media of daily communication, but also as vehicles for the expression of their literary moods (Agoncillo 54).
…among the ancient Filipinos, the male attire was composed of the upper and lower parts…Built to suit the tropical climate, the ancient house was made of wood, bamboo, and nipa palm…Philippine society was divided into three classes (Agoncillo 35-35).
Sa pagpapakita na naging tagapaglinis na lamang ang mga katutubo, ginigising ng mga bahaging ito ang kamalayan at galit ng mga Pilipino. Marahil, sa pamamagitan ng paggising na ito, muling babawiin ng mga Pilipino ang kanilang nawalang sibilisasyon.
Sa pagbawing ito, ipinakilala ni Rizal ang dalawang uri ng solusyon na magtatalaban: ang mabilisan subalit bayolenteng pamamaraan at ang pangmatagalan subalit higit na mapayapang paraan.
Tanging ang mga susunod na kabanata ang huhusga kung alin ang pamamaraan ang higit na epektibo upang mabawi ang nawalang kalayaan.
Pinagmulan:
Agoncillo, Teodoro. The History of the Filipino People. GP Press, 2006.
Rizal, Jose. El Filibusterismo. Salin ni Virgilio Almario. Adarna House, 1998.
(c) 2016, Herbel Santiago
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸