Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#Mitolohiya

Unang Bahagi: Mga Mito
Bago natin pasukin ang marami at kakaibang paniniwala ng mga sinaunang Griyego, at ang napakarami nilang Diyos na pinaniniwalaan, kinakailangan muna nating kilalanin kung anong uri ng mga nilalang ang kanilang sinasamba. Sa panlabas na kaanyuan, ang mga Diyos ay sinasabing kahawig ng mga tao. Subalit higit silang maganda, magara at malakas. Mas matangkad rin sila sapagkat itinuturing ng mga Griyego ang tangkad bilang karakteristiko ng mga kagandahan sa isang lalaki o babae. Katulad sila ng mga tao sa kanilang pakiramdam at pag-uugali, nagpapakasal at nagkakaanak, at nangangailangan ng pang-araw-araw na sustansiya upang manatiling malakas at tulog upang mabawi ang enerhiya. Ang kanilang dugo na nagniningning na ichor ay hindi nagkakasakit. Kapag nawala ito sa kanilang katawan, may kapangyarihan itong lumikha ng bagong buhay. Naniniwala ang mga Griyego na ang mga kwalipikasyon ng kanilang mga Diyos ay mas mataas kaysa sa tao, pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin sila ligtas sa emosyon ng mga tao, at madalas natin silang makita na puno ng paghihiganti, pagbabalatkayo, at pagseselos. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, lagi nilang pinarurusahan ang mga masasamang loob at binibigyan ng matitinding kalamidad ang sinumang mortal na magpapabaya sa kanilang pagsamba o magsasalaula ng kanilang ritwal. Madalas nating naririnig na binibisita nila ang sangkatauhan, at madalas ang mga Diyos at Diyosa ay napapalapit ang loob sa mga mortal, na kanilang nakakaisang-dibdib. Ang kanilang mga anak ay tinatawag na mga bayani o demi-god, na madalas bantog dahil sa kanilang lakas at tapang. Pero sa kabila ng maraming pagkakaparehoo ng mga Diyos at mga tao, nananatili pa rin ang nag-iisang pagkakaiba, ang mga Diyos ay imortal. Pero sa kabila nito, maari pa rin silang masaktan. Madalas natin silang naririnig na nasusugatan, at nakakaramdam ng pagdurusa na halos ipanalangin na nila na sana ay hindi na lamang sila imortal. Hindi nasasaklawan ng panahon o lugar ang mga Diyos, dahil kaya nilang magtungo mula a isang lugar patungo sa isa pang lugar sa loob ng pag-iisip ng tungkol dito. May kakayahan silang gawing imbisibol ang kanilang sarili, at maari rin silang mag-anyong tao o hayop na kanilang naisin. Maari rin nilang gawing halaman, bato, o hayop ang mga tao bilang parusa sa kanilang maling ginawa, o bilang proteksyon sa nasabing indibidwal, na kapag sila ay nagbagong-anyo, ay mapoprotektahan sila sa paparating na panganib. Ang kanilang mga kasuotan ay katulad ng mga kasuotan ng mga mortal, subalit perpekto ang mga ito pagdating sa itsura at ayos. Ang kanilang mga sandata ay katulad ng sa mga tao. Narinig na natin na gumagamit sila ng sibat, panangga, baluti, pana. Ang mga Diyos ay nagmamay-ari ng isang magandang karwahe na hinihila ng mga kabayo o iba pang hayop na makapangyarihan na mabilis na nagdadala sa kanila sa ibabaw ng kalupaan at karagatan. Karamihan sa mga Diyos ay nakatira sa Bundok ng Olympus, ang bawat isa ay may kanya-kanyang tahanan, at lahat ay nagsasama-sama sa tuwing mayroong masasayang okasyon sa bulwagan ng mga Diyos, kung saan ang kanilang handaan ay binubuhay ng matitimyas na musika mula sa lira ni Apollo at magagandang boses ng mga Muses na lumilikha ng magagandang melodya. Mararangya ang mga templong ipinatayo para sa kanila, kung saan sagrado silang sinasamba. Mararangyang regalo ang iniiwan sa kanila, maging ang mga hayop, at minsan ay tao, upang maging sakripisyo sa altar. Sa pag-aaral ng mitolohiya ng mga Griyego, makakakita tayo ng mga kakaiba at minsan ay hindi maunawaang mga paniniwala. Nakakarinig tayo ng mga teribleng mga higante na nagtatapon ng mga bato, nang pagyanig ng mga lupa na kayang lumamon ng laksa-laksang mga tao. Ang mga ideyang ito ay maaring dahil sa mga galaw ng kalikasan, na makikita na kahit noong unang panahon. Muli, ang paulit-ulit na pangyayari, na sa atin ay alam nating resulta ng batas ng kalikasan at pamilyar na sa atin, ay basehan ng pangamba at pag-aalala para sa mga sinaunang Griyego. Halimbawa, kapag nakakarinig sila ng kulog at nakakakita ng kidlat, na may kasamang ulap at malalakas na buhos ng ulan, naniniwala sila na ang makapangyarihang Diyos ng kalangitan ay nagagalit at nanginginig sa sa kaniyang galit. Kapag ang dating tahimik at kalmadong dagat ay biglang naghurumentado, at ang mga alon ay tumaas na singtaas ng bundok, nagngangalit na humahampas sa mga batuhan, at nagbabanta ng pagkasira sa lahat ng maabutan nito, ipinalalagay na nagagalit ang Diyos ng Dagat. Kapag nakita nila ang kalangitan na nagliliwanag sa mga kulay ng paparating na araw, naiisip nila na ang Diyosa ng Madaling-Araw, gamit ang kaniyang mamula-mulang daliri, ay hinahawi ang madilim na talukbong ng gabi, para payagan ang kaniyang kapatid, ang Diyos ng Araw na umpisahan ang kaniyang maliwanag na gawain. Kaya naman nagsakatawang-tao ang lahat ng kapangyarihan ng kalikasan. Ang bansang puno ng imahinasyon at tula ay nakakakita ng mga Diyos sa lahat ng puno na sumisibol, sa lahat ng batis na umaagos, sa maliliwanag na sinag ng araw, at sa malamig na sinag ng pilak na buwan. Para sa kanila, ang buong uniberso ay nabubuhay at humihinga, punong-puno ng libu-libong anyo ng gara at ganda. Ang pinakaimportante sa mga Diyos ay maaring higit pa sa nilikha ng aktibong imahinasyon. Sila marahil ang mga tao na naging bantog noong sila ay nabubuhay na maging sa kanilang kamatayan ay pinanatili silang buhay ng mga taong kanilang nakasalamuha, at ang mga makata gamit ang kanilang mahiwagang pluma ay nagkaloob ng detalye sa kanilang buhay, na sa panahon natin ay maitatala lamang bilang mga taong kahanga-hanga. Maari na ang kanilang ginawa ay patuloy na inaalala ng mga mang-aawit, na naglalakbay mula sa isang lugar patungo sa isa pang lugar, at binibigyang-pugay sa pamamagitan ng kanilang mga awit. Kung gayon, naging mahirap, halos imposible, na maihiwalay ang katotohanan sa eksaherasyon na madalas na nagiging bahagi ng tradisyong pasalita. Upang patunayan ito, isipin natin na si Orpheus, ang anak ni Apollo, ay labis na bantog dahil sa kakaibang ganda ng kaniyang boses, ay namuhay sa ating panahon. Marahil ihahanay natin siya sa pinakamagagaling na mang-aawit, at kikilalanin siya bilang ganoon. Subalit para sa mga Griyego, sa kanilang mayabong na imahinasyon, ay binigyan ng kakaibang kapangyarihan ang kaniyang musika na magpaamo ng mga nabubuhay at hindi nabubuhay na mga bagay. Kaya naman narinig natin ang naging pag-amo ng mga hayop, ang pagtigil ng mga ilog sa kanilang pag-agos, at ang paggalaw ng mga bundok dahil sa kaniyang malamyos na boses. Ang teoryang nasabi rito ay maaring ang dahilan ng mga kakaibang pangyayari na makikita natin sa pag-aaral ng sinaunang mitolohiya. (c) Herbel Santiago, salin, 2021
Ang akdang ito ay isinalin ni Herbel Santiago sa Filipino. Ang orihinal na akda ay isinulat ni EM Berens na mababasa sa librong ‘Legends of Greece & Rome’ na may bukas na lisensiya (Creative Commons) sa ilalim ng Project Gutenberg.
Mga Mitolohiya ng Iba’t Ibang Bansa
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸