Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#Mitolohiya

Pinagmulan Ng Mundo
Ikalawang Dinastiya: Si Cronus
Babala: May mga eksena ng karahasan sa bata
Si Cronus ay diyos ng Oras dahil sa kaniyang habang-buhay na pag-iral. Pinakasalan niya si Rhea, ang anak na babae nina Uranus at Gaea, at isang napakahalagang diyosa. Ang kanilang mga anak na lalaki ay tatlo: sina Aides, Poseidon, at Zeus. Tatlo rin ang kanilang mga anak na babae: sina Hestia, Demeter, at Hera. Si Cronus, na may binabagabag na konsensiya, ay natatakot na baka dumating ang isang araw na magrerebelde sa kaniya ang kaniyang mga anak na tulad nang inihula sa kaniya ng amang si Uranus. Para hindi ito matupad, nilunok ni Cronus ang lahat ng kaniyang mga anak pagkatapos silang maisilang. Labis itong ikipanglaw at ikinagalit ni Rhea. Nang maipanganak niya si Zeus, ang pang-anim at pang-huli, nagdesisyon si Rhea na iligtas ang anak niyang ito upang kaniyang mahalin at pahalagahan. Umapela siya sa kaniyang mga magulang, sina Uranus at Gaea, para sa kanilang payo at tulong. Sa pamamagitan ng kanilang payo, binalot niya ng damit pambata ang isang bato. Si Cronus, dahil sa kaniyang pagmamadali, ay nilunok ito agad nang hindi na napapansin ang ginawang panlilinlang. Upang maitago ang sekreto ng pagkabuhay ni Zeus kay Cronus, sekretong ipinadala ni Rhea ang sanggol na si Zeus sa Crete, kung saan siya ay pinalaki, inalagaan, at pinag-aral. Isang sagradong kambing, na tinawag na Amalthea, ang nagbigay sa kaniya ng gatas. Ang mga nimpa na tinatawag na Melissae ang nagpakain sa kaniya ng pulot-pukyutan. Samantala, dinadalhan naman siya ng mga agila at kalapati ng nektar at ambrosia. Itinago siya sa kuweba sa pusod ng Bundok ng Ida. Ang mga Curetes, ang mga pari ni Rhea, ay palagiang nagpapatunog ng kanilang mga baluti at lumilikha ng tuloy-tuloy na ingay sa unahan ng kuwebang ito. Nilunod ng mga ingay na ito ang iyak ng bata at tinakot palayo ang mga manlalakbay. Sa ilalim ng pangangalaga ng mga nimpa, ang batang si Zeus ay mabilis na lumaki. Nagkaroon siya ng malakas na kapangyarihan at kakaibang katalinuhan. Ng siya ay magbinata, naging determinado si Zeus na iutos sa kaniyang ama na ibalik ang kaniyang mga kapatid. Sinasabi na tinulungan siya sa mahirap na gawaing ito ng diyosa na si Metis, na buong sining na nahikayat si Cronus na uminom ng isang likido na naging dahilan para mailuwa nito ang mga anak na nilunok. Ang bato na kaniyang nilunok kapalit ni Zeus ay makikita ngayon sa Delphi, kung saan matagal na itong kinikilala bilang isang sagradong bagay. Galit na galit si Cronus sa naging pangloloko sa kaniya kaya namuo ang isang digmaan sa pagitan ng ama at anak. Ang magkalabang grupo ay umokupa ng dalawang magkahiwalay na matataas na bundok sa Thessaly. Si Zeus, kasama ang kaniyang mga kapatid, ay pinili ang Bundok ng Olympus. Sinamahan siya nina Oceanus at ng iba pang mga Titans na tinalikuran si Cronus dahil sa naging pagkakanulo nito dati. Inokupa naman ni Cronus at ng kaniyang mga kapatid na Titans ang Bundok ng Othrys, at naghanda para sa isang digmaan. Mahaba at mahirap ang naging digmaan. Naisip ni Zeus na kapag nagpatuloy ang ganito ay hindi siya magtatagumpay. Naalala niya ang tungkol sa nakakulong na mga Higante. Naisip niya na maaring makatulong ang mga ito sa kaniya. Nagmadali siyang palayain ang mga ito. Hiningi rin niya ang tulong ng mga Cyclops (ang mga anak nina Poseidon at Amphitrite) na mayroong isang mata sa gitna ng kanilang noo. Tinatawag silang Brontes (Kulog), Steropes (Kidlat), at Pyracmon (Apoy). Nagmamadali silang tumalima sa kaniyang paghingi ng tulong at dinala nila ang kanilang malalakas na kidlat. Ibinato naman ang mga ito ng mga Hecatoncheires, sila na may isangdaang kamay, sa mga kaaway. Nagpakawala rin sila ng malalakas na lindol na lumamon at sumira sa kanilang mga kaaway. Katulong ang kaniyang mga bago at makapangyarihang mga kaalyado, nagngangalit na nilabanan ni Zeus ang kaniyang mga kaaway. Labis ang naging paglalaban na nanginig ang kalikasan dahil sa paglalaban ng makapangyarihang diyos. Nagtaasan ang mga dagat, ang kanilang mga alon ay galit na galit na humahampas sa mga batuhan. Nanginig ang lupa. Nagpakawala ang langit ng mga kulog at kidlat at nakabubulag na mga hamog na bumalot kay Cronus at sa kaniyang mga kaalyado. Nagbago na ang takbo ng digmaan at unti-unting nanalo sina Zeus. Tuluyang nagapi si Cronus at ang kaniyang mga sundalo. Ipinatapon sa pinakamapanglaw na bahagi ng ilalim ng lupa ang kaniyang mga kapatid. Pinalayas sa kaniyang kaharian si Cronus at tinanggalan ng lahat ng kapangyarihan. Ang lahat ng kapangyarihan ay napunta sa kaniyang anak na si Zeus. Ang digmaang ito ay tinawag na Titanomachia. Sa pagkatalo ni Cronus at pagkakatapon sa kaniya, naglaho ang kaniyang katungkulan bilang pinuno ng diyos ng mga Griyego. Pero dahil siya ay imortal, katulad ng lahat ng mga diyos, sinasabi na nanatili pa rin siyang nabubuhay subalit hindi na siya maimpluwensiya at makapangyarihan. Pinalitan na siya ng kaniyang anak at tagapagmana, si Zeus. Madalas na nirerepresenta si Cronus ng isang matandang lalaki na nakasandal sa isang karit at may hawak na orasan sa isang kamay. Ang orasan ay sumisimbolo sa pangmadaliang mga sandali na patuloy ang mabilis na palitan. Ang karit ay sumisimbolo sa oras na naggagapas sa lahat ng nasa harapan nio. (c) Herbel Santiago, salin, 2021
Ang akdang ito ay isinalin ni Herbel Santiago sa Filipino. Ang orihinal na akda ay isinulat ni EM Berens na mababasa sa librong ‘Legends of Greece & Rome’ na may bukas na lisensiya (Creative Commons) sa ilalim ng Project Gutenberg.
Mga Mitolohiya ng Iba’t Ibang Bansa
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸