Mga Mitolohiya ng mga Pilipino

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MitolohiyaBooks #YoungAdultFiction

Photo by Rheyan Glenn Dela Cruz Manggob on Pexels.com

SI APONIBOLINAYEN AT ANG ARAW

Tribo ng mga Tingguian, Abra

Babala: May mga eksena ng seksismo at karahasan.


UNANG BAHAGI

ISANG ARAW, MAGKASAMANG lumabas upang manguha ng mga gulay sina Aponibolinayen at ang kanyang hipag. Nagtungo sila sa kakahuyan kung saan tumutubo ang mga sisiklat, sapagkat ang malalambot na dahon ng baging na ito ay masarap kainin. Habang naghahanap sa halamanan, napabulalas dahil sa labis na tuwa si Aponibolinayen sapagkat nahanap na niya ang baging, at inumpisahan niyang anihin ang mga dahon. Pero kahit gaano kalakas niya itong hilahin, hindi niya mapitas ang mga dahon, ng walang anu-ano’y biglang pumulupot sa kanyang katawan ang mga baging at inumpisahan siyang dalhin paitaas.

Dinala siya nito sa itaas hanggang sa maabot niya ang kalangitan, at doon ay ibinaba siya ng baging sa ilalim ng isang puno. Gulat na gulat si Aponibolinayen nang makarating siya sa langit kaya pansamantala siyang hindi makagalaw sa kaniyang kinauupuan at nagmasid lamang sa paligid, at maya-maya nang makarinig siya ng tilaok ng manok, bumangon siya upang hanapin kung nasaan ang manok. Hindi kalayuan sa kung saan siya nakaupo ay nakakita siya ng isang napakagandang batis na napapaligiran ng matataas na mga puno ng nganga kung saan purong ginto ang ituktok ng mga ito. Kakaibang mga butil ang buhangin ng batis, at ang lugar kung saan inilalagay ng mga babae ang kanilang mga banga kapag nangunguha sila ng tubig ay isang malaking ginintuang plato. Habang namamanghang pinagmasdan ni Aponibolinayen ang kagandahan ng nasabing batis, nakakita siya ng isang maliit na bahay sa hindi kalayuan, at napuno siya ng takot dahil baka makita siya ng may-ari ng bahay na ito. Nagpalinga-linga siya upang makahanap ng paraan upang makatakas at sa wakas ay umakyat siya sa itaas ng tuktok ng puno ng nganga at doon ay nagtago.

Ang may-ari ng bahay na ito ay si Ini-init, ang Araw, subalit lagi siyang wala sa bahay kapag umaga sapagkat trabaho niyang paliwanagin ang kalawakan at magbigay ng ilaw sa buong mundo. Sa dapit- hapon kung kailan trabaho naman ng Malaking Bituin na paliwanagin ang gabi, bumabalik sa kanyang bahay si Ini-init, pero maagang-maaga na naman kinabukasan ay umaalis na naman siya.

Mula sa kanyang lugar sa itaas ng puno ng nganga, nakita ni Aponibolinayen ang araw sa pag-uwi niya tuwing gabi, at ang pag-alis niya kinabukasan. Nang masigurado niya na wala na ito, bumaba siya  mula sa puno at pumasok sa kanyang bahay, sapagkat gutom na gutom na siya. Nagluto siya ng kanin, at sa loob ng kumukulong tubig ay naghulog siya ng kahoy na biglang naging isda, kaya naman nagkaroon siya ng lahat ng nais niyang kainin. Nang hindi na siya gutom, nahiga siya sa kama upang matulog.

Sa kalagitnaan ng hapon ay bumalik si Ini-init mula sa kanyang trabaho at nagtungo sa ilog na malapit sa kanyang bahay upang mangisda, at nakahuli siya ng malaking isda. Habang nakaupo siya sa pampang upang linisin ang kanyang huli, napatingin siya sa kanyang bahay at nagulat siya ng makitang mukha itong nasusunog. Nagmamadali siyang umuwi, pero nang makarating siya ng bahay ay nakita niyang hindi naman pala ito nasusunog, at pumasok siya sa loob nito. Sa kanyang kama ay nakakita siya ng bola ng apoy, subalit nang lumapit siya ay nalaman niyang isa itong natutulog na magandang babae.

Panumandaling napatigagal si Ini-init habang iniisip kung ano ang nararapat niyang gawin, at pagkatapos ay napagdesisyunan niyang magluto ng pagkain at imbitahan ang magandang nilalang na saluhan siya sa pagkain. Isinalang niya ang kanin at hiniwa ang isdang nahuli niya. Nagising si Aponibolinayen sa ingay nito at tahimik siyang lumabas ng bahay at nagbalik sa itaas ng puno ng nganga. Hindi siya nakita ng Araw na umalis, at nang handa na ang pagkain, tinawag siya ng Araw, pero wala nang tao sa kama at kinailangan ni Araw na kumain nang mag-isa. Nang gabing iyon, hindi makatulog ng maayos si Ini-init, sapagkat pinag-iisipan niya kung sino kaya ang magandang babaeng iyon. Subalit kinabukasan, bumangon siya kagaya nang nakagawian at muling nagbigay ng liwanag sa langit, sapagkat iyon ang kanyang trabaho.


NANG ARAW NA iyon, nagtungo muli si Aponibolinayen sa bahay ng Araw at nagluto ng pagkain at nang magbalik siya sa puno ng nganga ay nag-iwan siya ng kanin at isda para kay Araw upang kainin niya sa kanyang pag-uwi. Nang dumating ang dapit-hapon, nagbalik si Ini-init sa kanyang bahay, at nang mahanap niya ang mainit na isda at kanin na nasa pugon ay labis siyang nabagabag. Pagkatapos niyang makakain, matagal siyang naglakad upang makalanghap ng sariwang hangin.

“Marahil, inihanda ito ng magandang babae na tila bola ng apoy,” aniya. “Kapag bumalik siyang muli, susubukan ko siyang hulihin.”


KINABUKASAN, NAGBIGAY MULI ng liwanag si Araw tulad ng dati, at nang dumating na ang dapit-hapon ay tinawag niya ang Malaking Bituin upang magmadali sa paghalili sa kanyang puwesto, sapagkat nagmamadali siyang makauwi. Habang lumalapit siya sa bahay, nakita muli niya na tila nasusunog ito. Tahimik siyang umakyat ng hagdan, at nang makarating siya sa itaas ay nagmamadali niyang isinara ang pinto.

Si Aponibolinayen, na kasalukuyang nagluluto ng kanin, ay nagulat at nagalit na nahuli siya nito; pero hinandugan siya ng Araw ng nganga na purong ginto, at magkasama silang ngumuya at nagpalitan ng pangalan. Pagkatapos ay kinuha ni Aponibolinayen ang kanin at isda, at habang kumakain sila ay nag- usap sila at naging magkakilala.


MAKALIPAS ANG ILANG panahon, ikinasal sina Aponibolinayen at ang Araw, at araw-araw ay gumigising ang Araw upang magbigay liwanag sa langit, at sa kanyang pag-uwi sa gabi ay lagi niyang naaabutan ang kanyang hapunan na handa na sa kanyang pagdating. Subalit nag-umpisa siyang mabahala kung saan nanggagaling ang pagkain sapagkat sa kabila ng pagdadala niya ng maayos na isda gabi-gabi, inaayawan ni Aponibolinayen na lutuin ang mga ito.

Isang gabi habang pinanonood niya si Aponibolinayen na naghahanda ng kanilang pagkain, nakita niya na sa halip na iluto ang isda na kanyang nahuli, naghulog lamang si Aponibolinayen ng isang kahoy sa kawa ng kumukulong tubig.

“Bakit mo iniluluto ang kahoy?” takang-takang tanong ni Ini-init. “Para mayroon tayong isdang makakain,” sagot ng kanyang asawa.

“Kapag iniluto mo iyang kahoy sa loob ng isang buwan, hindi na iyan magiging malambot,” ani Ini- init. “Kunin mo itong isdang nalambat ko, sapagkat masarap ito.”

Pero tinawanan lamang siya ni Aponibolinayen. Binuksan niya ang kawa at doon ay maraming malalambot at masasarap na isda. Kinabukasan at sa mga sumunod na gabi pa, muling iniluto ni Aponibolinayen ang kahoy, at labis na nabagabag si Ini-init dahil nakita niya na kahit lagi silang binibigyan ng isda ay hindi ito lumiliit.

Sa wakas ay tinanong niyang muli si Aponibolinayen kung bakit iniluluto niya ang kahoy sa halip na ang isda, at sinagot siya nito ng:

“Hindi mo ba alam ang tungkol sa babae mula sa lupa na may kapangyarihang baguhin ang mga bagay?”

“Oo,” sagot ng Araw, “at ngayon ay batid ko na mayroon kang kapangyarihan.”

“Kung gayon,” sabi ng kayang asawa, “huwag mo na akong tanungin kung bakit ko iniluluto ang kahoy.”

At magkasabay nilang kinain ang hapunan nilang kanin at isda na nagmula sa kahoy.


ISANG GABI MATAPOS nito, sinabihan ni Aponibolinayen ang kanyang asawa na nais niyang sumama rito kinabukasan kapag nagbigay liwanag na siya sa langit.

“Oh, hindi maari!” ani ng Araw, “sapagkat napakainit doon at hindi mo makakayanan ang init.”

“Magdadala tayo ng maraming kumot at unan,” sabi ng babae, “at kapag naging sobrang init, magtatago ako sa mga ito.”

Muli at muli ay pinakiusapan siya ni Ini-init na huwag sumama, pero muli’t muli ay ipinagpipilitan niya na sumama sa Araw, at maagang-maaga nga isang umaga ay naglakbay silang dalawa, dala-dala nila ang maraming mga kumot at unan.

Sa umpisa, nagtungo sila sa Silangan, at pagdating na pagdating niya ay nag-umpisang magliwanag ang Araw, at kasama niya si Aponibolinayen. Naglakbay sila patungo sa Kanluran, at nang matapos na ang umaga at dumating ang katanghalian at nang marating nila ang kalagitnaan ng langit, init na init si Aponibolinayen na nalusaw siya at naging langis. Pagkatapos ay inilagay siya ni Ini-init sa isang bote at binalot ng mga kumot at unan at inihulog pababa sa lupa.


Ang ating kuwento ay orihinal na nakasulat sa wikang Ingles. Nagmula ang mga ito sa librong Philippine Folktales na binuo ni Mabel Cook Cole. Inilimbag ito noong 1916 ng A.C McClurg and Company sa Chicago, USA. Ang pinaghanguang materyales ay may bukas na lisensya sa ilalim ng Project Guternberg kung saan libreng mababasa ang libro.

(c) salin, 2019, Herbel Santiago

Mga Mitolohiya ng mga Pilipino

Mga Mitolohiya ng Iba’t Ibang Bansa

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. You may also buy Mitolohiya: Mga Kuwentong-Bayan ng Tinguian (Abra) Volumes 1 & 2 here. 🧡🌸

Leave a Reply