Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#MitolohiyaBooks #YoungAdultFiction
Aponibolinayen
Tribo ng mga Tingguian, Abra
Babala: May mga eksena ng seksismo at karahasan.
ANG PINAKAMAGANDANG BABAE sa buong mundo ay si Aponibolinayen ng Nalpangan. Maraming binata ang nagtutungo sa kanyang kapatid na si Aponibalagen upang hingiin ang kanyang kamay upang siya ay mapangasawa, subalit tinanggihan niya silang lahat, sapagkat naghihintay siya sa isang tao na nagtataglay ng kagila-gilalas na kapangyarihan. Mangyari na ang kabantugan ng kanyang kagandahan ay lumaganap sa buong mundo hanggang sa makarating sa Adasen; at sa lugar na ito ay may nakatirang makapangyarihang tao na ang pangalan ay Gawigawen.
Si Gawigawen, na isang makisig na lalaki, ay naghanap sa lahat ng magagandang babae ng nais niyang mapangasawa. Subalit wala siyang maibigan, hanggang sa marinig niya ang tungkol sa kagandahan ni Aponibolinayen. Nagpasya siyang mapangasawa ito, nakiusap siya sa kanyang ina na tulungan siyang mapangasawa ito. Kaya naman si Dinawagen, ang ina ni Gawigawen, ay kinuha ang kanyang sumbrero na tila mga silahis ng araw at nagmadaling nagtungo sa Nalpangan; at nang makarating siya roon ay sinalubong siya ni Ebang, ang ina ng magandang babae, na nagmadaling naghanda ng mga pagkain para sa kanya.
Naglagay siya ng kawali sa apoy, at nang kumukulo na ang tubig, bumali siya ng kahoy at itinapon ang mga bahagi nito sa kawali, at dali-dali itong naging isda. Pagkatapos ay naglabas siya ng basi na nakalagay sa isang malaking banga at napansin ni Dinawagen, na binibilang ang mga gatla sa gilid nito, na tila ang banga ay pamana pa ng siyam na henerasyon. Kumain sila at nag-inuman, at pagkatapos nilang maubos ang kanilang pagkain, sinabi ni Dinawagen kay Aponibalagen ang hiling ng kanyang anak at tinanong siya kung handa ba siyang ipakasal ang kanyang kapatid kay Gawigawen. Ibinigay ni Aponibalagen ang kanyang pahintulot sapagkat narinig na niya ang kagila-gilalas na kapangyarihan ng manliligaw na ito. Kaya naman, naghanda nang umuwi si Dinawagen, at nag-iwan siya ng ginintuang tasa upang regalo sa nalalapit na kasal.
BINABANTAYAN NI GAWI-GAWEN ang pintuan ng kanilang bahay para sa pagdating ng kanyang ina, at nang sinabi ng kanyang ina na nagtagumpay siya sa kanyang misyon, labis ang kanyang naging tuwa na hiniling niya sa lahat ng tao mula sa kanilang bayan na samahan siya kinabukasan sa Nalpangan upang magbayad ng dote para sa kanyang asawa.
Nais ng mga tao ng Nalpangan ng malaking halaga para sa babae na napakaganda, at matagal na nagtalo ang mga lalaki ng dalawang bayan bago sila nagkasundo sa magiging halaga. Sa wakas, napagkasunduan na pupunuin ni Gawigawen ang bahay sambahan ng maka-labingwalong beses ng mahahalagang mga bagay; at nang magawa na nila ito, nasiyahan sila at nagtungo sila sa bakuran upang magsayaw at tugtugin ang mga tansong batingaw. Nagsayaw nang pinakamahusay nilang mga sayaw ang magagandang mga babae, at may isa na nagsuot ng malalaking banga sa kanyang leeg ang higit na lumikha ng ingay habang nagsasayaw, at ang mga banga ay umawit ng “Kitol, kitol, kanitol; inka, inka, inkatol.”
Subalit nang lumabas ng bahay upang magsayaw si Aponibolinayen, ang asawa ni Gawigawen, naglaho ang liwanag ng araw dahil sa kanyang labis na kagandahan; at habang siya ay sumasayaw, lumapit ang ilog sa bayan, at kinagat ang kanyang paa ng mga isda.
Sa loob ng tatlong buwan, nanatili ang mga tao rito upang magsaya at magsayawan, at umagang-umaga kinabukasan kinuha nila si Aponibolinayen upang dalhin sa kanyang bagong tahanan sa Adasen. Habang nagaganap ito, ang daan sa pagitan ng dalawang bayan ay naging napakaganda: nagkislapan ang mga puno at halaman, at nakakasilaw ang mga tubig ng maliliit na mga batis dahil sa kanilang liwanag habang tumatawid dito si Aponibolinayen. Nang marating nila ang bukal ni Gawigawen, nakita nila na maging ito ay higit na maganda kaysa dati. Ang bawat isang butil ng buhangin ay naging kuwintas, at ang lugar kung saan inilalagay ng mga babae ang kanilang mga banga kapag nagsasalok ng tubig ay naging isang malaking plato.
SA MGA PANAHONG ito, pinanatili ni Aponibolinayen na nakatago ang kanyang mukha kaya hindi pa niya nakikita ang kanyang asawa, sapagkat sa kabila ng katotohanan na isa siyang guwapong lalaki, isa sa mga magagandang babae na nagseselos sa kanya ang nagsabi na ang lalaki ay may tatlong ilong, kaya naman natatakot si Aponibolinayen na tingnan ito.
Nang magsibalikan sa kanya-kanyang bahay ang mga kababayan, labis siyang nalungkot. At nang inutusan siya ng kanyang biyenan na magluto, kinailangan niya na mangapa, dahil ayaw niyang ipakita ang kanyang mukha. Sa wakas ay labis siyang nalungkot na napagdesisyunan niyang maglayas. Isang gabi habang ang lahat ay natutulog, gumamit siya ng kapangyarihan at nagpalit ng anyo at naging langis. Pagkatapos ay lumusot siya sa kawayang sahig at tumakas nang walang nakakapansin sa kanya.
Nagpatuloy siya hanggang sa makarating siya sa gitna ng kagubatan ay doon ay may nakasalubong siyang ligaw na tandang na nagtanong sa kanya kung saan siya patutungo.
“Tumatakas ako sa aking asawa,” sagot ng babae, “sapagkat siya ay may tatlong ilong at ayokong tumira kasama niya.”
“Oh,” ang sabi ng tandang, “baliw yata ang nagsabi niyan sa iyo. Huwag kang maniwala. Makisig si Gawigawen, sapagkat lagi ko siyang nakikita rito kapag nanghuhuli siya ng manok.”
Pero hindi pinansin ni Aponibolinayen ang tandang, at nagpatuloy siya hanggang sa marating niya ang isang malaking puno kung saan nakadapo ang isang unggoy, at nagtanong ito kung saan siya pupunta.
“Tumatakas ako sa aking asawa,” sagot ng babae, “sapagkat mayroon siyang tatlong ilong at ayoko nang tumira kasama siya.”
“Oh, huwag kang maniwala doon,” sabi ng unggoy. “Gusto siguro nang nagsabi noon sa iyo na pakasalan ito sapagkat isa siyang makisig na lalaki.”
Pero nagpatuloy pa rin si Aponibolinayen hanggang sa makarating siya sa dagat, at pagkatapos nito, dahil hindi na siya makapagpatuloy, naupo siya upang mamahinga. Habang nag-iisip siya kung ano ang gagawin, may isang kalabaw na dumating, at naisip niyang mamasyal panumandali kaya sumakay siya sa likod nito. Kasasakay pa lamang niya ay dali-daling lumusong sa tubig ang hayop at lumangoy hanggang sa marating nila ang kabilang bahagi ng malaking dagat.
Doon ay nakakita sila ng isang malaking puno ng kahel, at sinabi ng kalabaw sa kanya na kumain ng masasarap na prutas nito habang nanginginain siya ng mga damo sa di-kalayuan. Subalit pagkatapos na lisanin ng hayop ang babae, diretso itong nagtungo sa kanyang amo, si Kadayadawan, at sinabi rito ang tungkol sa magandang babae.
Naging interesado si Kadayadawan kaya nagmamadali nitong sinuklay ang buhok at nilangisan ito, nagsuot ng guhitang kapa at sinturon, at sumama sa kalabaw na magtungo sa puno ng kahel. Gulat na gulat si Aponibolinayen, na tumatanaw mula sa kanyang puwesto sa puno, nang makita na may kasamang lalaki ang kanyang kaibigan, ang kalabaw, subalit habang lumalapit sila, nag-umpisa siyang makipag-usap sa lalaki, at naging magkakilala sila. Hindi nagtagal, nakumbinsi ni Kadayadawan ang babae na maging asawa niya, at dinala niya ito sa kanyang tahanan. Mula sa araw na iyon, gabi-gabi nang tila nasusunog ang bahay, dahil sa ganda ng kanyang asawa.
MAKALIPAS ANG ILANG panahon nang kanilang pagiging mag-asawa, nagdesisyon sina Kadayadawan at Aponibolinayen na magkaroon ng seremonya para sa mga Espiritu, kaya tinawag nila ang mahiwagang nganga at nilangisan ang mga ito at sinabi sa kanila, “Magtungo kayo sa lahat ng bayan at imbitahan ang lahat ng mga kamag-anak na magtungo sa seremonya na gagawin natin. Kung ayaw nilang magpunta, tumubo kayo sa tuhod nila hanggang sa pumayag sila.”
Kaya nagtungo ang nganga sa iba’t ibang direksyon at ang isa ay nagtungo kay Aponibalagen ng Nalpangan at nagsabi, “Naghahanda ng seremonya para sa mga Espiritu si Kadayadawan, at nagtungo ako rito para sunduin ka.”
“Hindi kami maaring magpunta,” ani Aponibalagen, “sapagkat hinahanap namin ang kapatid ko na nawawala.”
“Kailangan mong pumunta,” sagot ng nganga, “o tutubo ako sa iyong tuhod.”
“Tumubo ka sa aking baboy,” sagot ni Aponibalagen, kaya nagtungo ang nganga sa likod ng baboy at tumubo hanggang sa maging isa itong malaking puno, at naging sobrang bigat nito na hindi na ito kayang buhatin ng baboy, kaya naman iyak ito ng iyak.
Kaya naman si Aponibalagen, nang makita na kailangan niyang sumunod, ay nagwika sa nganga, “Umalis ka sa baboy ko, at magtutungo na kami.”
Umalis ang nganga sa likod ng baboy, at sinimulan ng mga tao ang seremonya. Nang marating nila ang ilog, naroon din si Gawigawen na naghihintay na makatawid, dahil pinilit din siya ng mahiwagang nganga na sumama. Kaya naman si Kadayadawan, nang makita sila, ay nagpadala ng mas marami pang nganga sa ilog, at itinawid ng mga nganga ang mga tao.
NANG MAKARATING SILA sa bayan ay nag-umpisa agad ang sayawan, at habang nakikipagsayaw si Gawigawen kay Aponibolinayen, kinuha niya ito at inilagay sa kanyang sinturon. Nagalit si Kadayadawan nang makita ito kaya ibinato niya ang kanyang sibat at kinitil si Gawigawen. Pagkatapos ay tumakas si Aponibolinayen at tumakbo patungo sa bahay, ibinalik ng kanyang asawa ang buhay ng kanyang biktima, at tinanong siya kung bakit kinuha niya ang asawa ni Kadayadawan. Ipinaliwanag ni Gawigawen na siya ang nawawala niyang asawa, at nasorpresa ang mga tao dahil dito, dahil hindi nila ito agad na nakilala.
Nag-usap ang mga tao kung ano ang gagawin upang magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng dalawang lalaki, at napagdesisyunan nila na babayaran nina Kadayadawan sina Aponibalagen at Gawigawen ng dote na naunang hiningi para sa magandang babae.
Pagkatapos na magawa ito, ang lahat ay naging masaya, at ang bantay na Espiritu ng Kadayadawan ay pinagkalooban sila ng ginintuang bahay kung saan sila tumira.
Ang ating kuwento ay orihinal na nakasulat sa wikang Ingles. Nagmula ang mga ito sa librong Philippine Folktales na binuo ni Mabel Cook Cole. Inilimbag ito noong 1916 ng A.C McClurg and Company sa Chicago, USA. Ang pinaghanguang materyales ay may bukas na lisensya sa ilalim ng Project Guternberg kung saan libreng mababasa ang libro.
(c) salin, 2019, Herbel Santiago
Mga Mitolohiya ng mga Pilipino