Mitolohiya: Pilipino

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MitolohiyaBooks #YoungAdultFiction

Photo by luizclas on Pexels.com

Ang Kuwento ni Kanag

Tribo ng mga Tingguian, Abra

Babala: May mga eksena ng karahasan.


NANG TUMUBO NA ang mga palay at malapit nang anihin ang mga ito, natakot sina Aponitolau at Aponibolinayen na pasukin at kainin ng mga baboy damo ang mga palay, kaya ipinadala nila ang kanilang anak na lalaki na si Kanag sa bukid upang magbantay. Pumayag si Kanag na magbantay sa bukid, pero nang malaman niya na matibay ang mga bakod at hindi ito mapapasok ng mga baboy, walang naiwang gawain para sa kanya, kaya namang naging malungkot ang buhay sa maliit na bahay- bantayan, at labis na nalungkot ang bata.  Araw-araw, nagdadala si Aponitolau ng kanin at karne para sa kanyang anak na nasa bukid, pero hindi makakain si Kanag at sinabi niya sa kanyang ama na isabit ang mga ito sa bahay-bantayan hanggang sa magustuhan na niya ang mga ito. Lagi’t laging natatagpuan ni Aponitolau ang pagkain na hindi pa nagagalaw, at nanghinala siya na tila hindi masaya ang bata sa pagbabantay sa palay. Pero hindi niya sinabi ang kanyang takot kay Aponibolinayen.  Isang araw matapos umuwi ng kanyang ama, labis na nalungkot si Kanag na ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at naging isang munting ibon at lumipad sa itaas ng puno. Kinabukasan nang magtungo sa bukid si Aponitolau, hinanap niya sa kung saan-saan ang kanyang anak, at ng hindi niya ito mahanap ay tumawag siya, at mula sa itaas ng puno ng kawayan ay may isang munting ibon na sumagot sa kanya. Nang malaman niya kung ano ang nangyari, labis na nalungkot ang ama at nakiusap siya sa kanyang anak na bumalik at maging bata muli, pero tanging ito ang isinagot ni Kanag: “Mas nanaisin ko pang maging ibon at dahil sila ang mga mensahe ng mga espiritu sa mga tao.” Sa wakas ay umuwi ang ama ng nag-iisa, at siya at ang ina ng bata ay napuno ng paghihinagpis sa pagkawala ng kanilang anak. 

MAKALIPAS ANG ILANG panahon matapos nito, naghanda para sa isang labanan si Aponitolau. Kinuha niya ang kanyang sibat at baluti at palakol at naghanda nang maagang-maaga, pero nang marating niya ang pintuan ng kanilang bayan, lumipad sa itaas niya si Kanag, na nagbigay sa kanya ng masamang senyales, kaya siya ay bumalik. Kinabukasan, naghanda siyang muli, at sa pagkakataong ito ay magandang senyales na ang ibinigay ng munting ibon, at tiwala na walang sinuman ang makakapanakit sa kanya ay nagpatuloy siya.  Makalipas ang mahabang paglalakbay, narating niya ang kalabang bayan kung saan sinabi ng mga tao na masaya siyang makita ng mga ito, at idinagdag pa na dahil siya ang kauna-unahan sa kanyang mga katribo na nangahas na pumasok sa bayan ay mananatili siya sa bayang iyon.  “Oh,” sabi ni Aponitolau, “kung sinasabi ninyong hindi na ako makakabalik, tawagin ninyo ang lahat ng inyong mga katribo at maglalaban tayo.” “Napakatapang mo,” sagot ng kanyang mga kaaway, “kung nais mong labanan kaming lahat.” At nang magsama-sama ang lahat, tinawanan nila si Aponitolau at sinabi, “Bakit, ang isa sa aking mga daliri ang lalaban sa iyo.” Subalit, naghanda pa ring lumaban si Aponitolau, at ang pinakamatapang sa kanilang lahat ay inihagis ang kanyang sibat at palakol sa kanya, tumalon siya at nagtago. Napansin nila na napakataas ng kanyang pagtalon, kaya sinundan nilang lahat ang lalaki habang inihahagis ang kanilang sibat at sinusubok na patayin siya.  Pero sinalo ni Aponitolau ang lahat ng kanilang mga sandata, at nang maubos na ang kanilang sandata, ibinato niya ang kanyang sariling sibat, at lumipad ito sa kanilang lahat at naubos silang lahat. Pagkatapos ay ipinadala niya ang kanyang palakol, at pinutol ng mga ito ang ulo ng kanyang mga kaaway; at ginamit niya ang kanyang kapangyarihan upang magtungo ang kanilang mga ulo sa kanyang bahay sa Kadalayapan. 

PAGKATAPOS NITO ay naupo sa pintuan ng bayan si Aponitolau upang mamahinga, at ang maliit na ibon, habang lumilipad sa itaas niya, ay tumawag: “Maganda ang ibinigay ko sa iyong senyales, Ama, at nakitil mo ang lahat ng iyong mga kaaway.” “Oo,” sabi ng kanyang ama, at nang mag-umpisa na siyang maglakbay pauwi ay nanatili sa tabi niya ang munting ibon. Nang makarating siya sa bahay, inilagay niya ang mga ulo sa paligid ng bayan, at inutusan ang mga tao na lumabas sa lahat ng panig ng mundo at imbitahan ang lahat at lalung-lalo na ang magagandang mga babae na magtungo sa handaan bilang selebrasyon sa kanyang tagumpay.  Nagsipuntahan ang mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo, at habang pinatutunog nila ang mga batingaw at nagsasayawan, tinawag ni Aponitolau si Kanag at nagsabi: “Bumaba ka na, anak ko; huwag kang laging manatili sa itaas ng mga puno. Halika at tingnan ang magagandang mga babae at tingnan mo kung sino ang nais mong mapangasawa. Kunin mo ang ginintuang baso at bigyan mo sila ng maiinom na basi.” Pero sumagot si Kanag, “Mas nais kong manatili sa itaas ng mga puno at magbigay ng senyales kapag may labanan.” Pagkatapos ay nakiusap ang ama at ina na maging bata siyang muli, hinihingi ang kanyang kapatawaran at nangangako na hindi na siya muling ipapadala upang bantayan ang mga palay. Pero hindi niya pinakinggan ang mga ito, at lumipad lamang siya palayo.  NAPAGTANTO NINA APONITOLAY at Aponibolinayen na hindi na magbabago ang kanyang isip sa ganitong paraan, tinawag nila ang mga espiritung alipin, at inutusan ang mga ito na sundan si Kanag kahit saan man ito magpunta, at maghanap ng isang babae na maari niyang pakasalan. Kaya naman sinundan siya ng mga espiritung alipin, at kahit saan siya magtungo ay sumusunod sila.  Maya-maya ay nanatili sila malapit sa isang balon, at doon ay gumamit ng kapangyarihan ang mga espiritung alipin upang mainitan ang lahat ng magagandang mga babae; at kinubakasan ng maagang-maaga, nagtungo sila sa balon upang maligo. Ang isa sa kanila ay labis ang ganda na tila siya naglalagablab na apoy sa gitna ng mga bulaklak ng nganga, at nang makita ng mga alipin na hinuhugasan niya ang kanyang buhok ay tumakbo sila kay Kanag at nakiusap sila na puntahan siya at tingnan. Noong una ay ayaw makinig ni Kanag, pero maya-maya ay lumipad siya sa itaas ng kalapit na puno ng nganga, at nang makita niya ang babae, lumipad siya sa puno na nasa itaas ng kanyang ulo.  “Pero,” sabi niya sa mga alipin, “ano ang gagawin ko kapag naging tao ako, sapagkat wala akong damit at pantali sa ulo?” “Huwag kang mag-alala,” sabi ng espiritung alipin, “sapagkat mayroon kami ng lahat ng ito para sa iyo.” Kaya naman naging tao muli si Kanag at isinuot niya ang damit at pantali sa buhok, at nagtungo siya upang kausapin ang babae. Binigyan niya ito ng nganga, at magkasama silang ngumuya, at kanyang sinabi: “Ang pangalan ko ay Kanag at ako ang anak nina Aponitolau at Aponibolinayen.” Pagkatapos ay nagsalita ang babae: “Ang pangalan ko ay Dapilisan at ako ang anak nina Bangan at Dalonagan.”

NANG UMUWI SI Dapilisan, sumunod sa kanya si Kanag, at sinabi niya sa mga magulang ng babae ang kanyang pangalan at kung paano siya naging isang maliit na ibon. At nang matapos siya ay tinanong niya kung maari niyang pakasalan ang anak nilang babae. Labis na natuwa sina Bangan at ang kanyang asawa na nais ni Kanag na maging asawa si Dapilisan, pero natatakot sila na baka umayaw ang kanyang mga magulang, kaya nagpadala sila ng mensahero para imbitahan sina Aponitolau at Aponibolinayen na bisitahin siya.  Nang marinig ng mga magulang ni Kanag na ang kanilang anak ay naging tao, naging masayang-masaya sila at naghanda agad sila na magtungo rito na may dala-dalang magagandang mga pasalubong. Bago maisagawa ang mga paghahanda para sa kanilang kasal, kinakailangan na pagdesisyunan kung magkano ang dote na ibabayad sa babae. Mahabang talakayan ang naganap. Sa wakas ay sinabi nina Bangan at Dalonagan na ang bahay sambahan ay kinakailangang mapuno ng makasiyam na beses ng iba’t ibang klase ng mga banga.  Nang matapos na ang mga ito, itinaas ni Dalonagan ang kanyang mga kilay, at kalahati ng mga banga ay nawala. Ginamit ni Aponibolinayen ang kanyang kapangyarihan at muling napuno ang bahay sambahan, at sinabi ni Dalonagan sa kanya: “Ngayon, ang sapot ng gagamba ay babalutin ang boung bayan at kinakailangan mong lagyan ng gintong butil ang mga ito. Kapag hindi ito naputol, maari nang pakasalan ni Kanag si Dapilisan.” Nang maglagay si Aponibolinayen ng mga gintong butil sa mga sinulid, sumabit dito si Dalonagan upang matiyak na matibay ito. Dahil hindi ito nasira, idineklara niya na maganda ang senyales; at ikinasal sina Kanag at Dapilisan.  Pagkatapos ay pinatunog ng mga tao ang mga tansong batingaw, nagsayaw, at nagkasayahan sa loob ng mahabang panahon, at nang bumalik sila sa kanilang bahay ay sumama kina Aponitolau at Aponibolinayen sina Kanag at ang kanyang asawa. 


Ang ating kuwento ay orihinal na nakasulat sa wikang Ingles. Nagmula ang mga ito sa librong Philippine Folktales na binuo ni Mabel Cook Cole. Inilimbag ito noong 1916 ng A.C McClurg and Company sa Chicago, USA. Ang pinaghanguang materyales ay may bukas na lisensya sa ilalim ng Project Guternberg kung saan libreng mababasa ang libro.

(c) salin, 2019, Herbel Santiago

Mga Mitolohiya ng mga Pilipino

Mga Mitolohiya ng Iba’t Ibang Bansa

You can support & donate through Paypal or here

Leave a Reply