Mitolohiya: Pilipino

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MitolohiyaBooks #YoungAdultFiction

ANG KUWENTO NI DUMALAWI

Tribo ng mga Tingguian, Abra

Babala: May mga eksena ng karahasan.


SINA APONITOLAU AT Aponibolinayen ay may anak na lalaki na ang pangalan ay Dumalawi. Nang magbinata ang kanyang anak, isang araw ay labis na nagalit ang kanyang ama sa kanya, at nag-isip siya ng paraan upang sirain ito. Kinabukasan, sinabi niya kay Dumalawi:

“Anak, hasain mo ang iyong gulok, at magtutungo tayo sa gubat upang manguha ng mga kawayan.”

Kaya naman hinasa ni Dumalawi ang kanyang gulok at sumama sa kanyang ama upang magtungo sa lugar kung saan tumutubo ang mga kawayan, at namutol sila ng maraming mga kawayan at hinasa ang mga ito na parang mga sibat.

Nagtaka si Dumalawi kung bakit nila ginagawa ang mga iyon, pero nang siya ay matapos, nagsabi si Aponitolau:

“Ngayon, Anak, ibato mo ang mga ito sa akin, para makita natin kung sino ang higit na mas matapang.”

“Hindi, Ama,” sagot ni Dumalawi. “Ikaw ang maunang maghagis, kung nais mong kitlin ang buhay ko.”

Kaya naman isa-isang inihagis ni Aponitolau ang mga kawayan sa kanyang anak, pero hindi niya ito masapol. Pagkatapos, pagkakataon naman ng kanyang anak na maghagis, pero sinabi niya:

“Hindi, ayoko. Ikaw ang aking ama, at ayokong kitlin ang buhay niyo.”

Kaya umuwi sila sa kanilang bahay. Pero labis na naghinagpis si Dumalawi, sapagkat nalaman niyang nais siyang sirain ng kanyang ama. Nang tawagin siya ng kanyang ina para kumain, hindi siya makakain.


KAHIT NA HINDI siya nagtagumpay sa kanyang unang subok, hindi pa rin binibitawan ni Aponitolau ang pagnanais na mawala ang kanyang anak, at kinabukasan kanyang sinabi:

“Halika, Dumalawi, magtutungo tayo sa maliit na bahay sa bukid para ayusin ito, para magkaroon tayo ng proteksyon kapag dumating na ang panahon ng tag-ulan.”

Magkasamang nagtungo sa bukid ang mag-ama, at ng marating nila ang maliit na bahay, nagwika si Aponitolau habang nakaturo sa isang ispesipikong lugar sa lupa:

“Magbungkal ka sa bahaging iyon, at may matatagpuan kang banga na may lamang basi na itinanim ko noong bata pa ako. Masarap na itong inumin sa ngayon.”

Binungkal ni Dumalawi ang banga at tinikman ang alak, at napakasarap nito na nakaubos siya ng tatlong punong-punong bao ng mga ito, at labis na nalasing si Dumalawi. Habang natutulog sa sahig ang kanyang anak, nagdesisyon si Aponitolau na ito na ang tamang panahon para kitlin ang buhay ng anak, kaya ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at isang malakas na bagyo ang dumating at nagbitbit sa natutulog na si Dumalawi sa malayong lugar. At mag-isang umuwi ng bahay ang ama.


NGAYON NANG MAGISING si Dumalawi ay nalaman niya na nasa gitna siya ng kabukiran na napakalawak na kahit saan siya tumingin ay hindi niya makita ang dulo. Wala ni puno o mga bahay sa kabukiran at walang nabubuhay maliban sa kanya. At nakaramdam siya ng labis na kalungkutan.

Muli’t muli ay ginamit niya ang kanyang kapangyarihan, at maraming mga nganga ang tumubo sa bukid, at nang ang mga ito ay magbunga ay nababalot ito ng ginto.

“Magaling,” ani Dumalawi, “sapagkat ikakalat ko ang mga nganga at sila ay magiging tao, na aking magiging mga kapit-bahay.”

Kaya naman sa gitna ng gabi ay pinutol niya ang mga nababalutan ng gintong mga nganga sa maliliit na mga piraso at nag-umpisa niyang isaboy ang mga ito sa iba’t ibang direksyon. At maagang-maaga kinabukasan, nang siya ay magising, nakarinig siya ng maraming tao na nagsasalita sa bahay, at maraming mga manok ang tumilaok. Kaya naman nalaman ni Dumalawi na mayroon na siyang mga kasama, at lumabas siya kung saan nagpapainit ang mga tao sa mga siga sa kanilang bakuran at binisita niya ang lahat ng mga ito.


SA ISANG BAKURAN ay mayroong isang magandang babae na si Dapisilan, at matapos na makausap ni Dumalawi ang babae at ang kanyang mga magulang, nagtungo siya sa ibang bakuran pero nanatili ang babae sa kanyang ala-ala. Matapos niyang mabisita ang lahat ng mga tao, nagbalik siya sa bahay ni Dapisilan at tinanong ang kanyang mga magulang kung maari niya itong maging asawa. Noong umpisa ay ayaw nilang pumayag, dahil natatakot sila na ang mga magulang ni Dumalawi ay hindi ito magustuhan; pero pagkatapos niyang ipaliwanag na ayaw na sa kanya ng kanyang ama at ina, pumayag na rin ang mga ito at naging asawa niya si Dapisilan.

Pagkatapos ng kanilang kasal ay nagdesisyon sila na maghanda ng isang seremonya para sa mga espiritu. Kaya tinawag ni Dapisilan ang mga nganga na nababalot ng ginto, at nang dalhin ang mga ito sa kanya, sinabi niya:

“Kayong mga nganga na nababalot ng ginto, halikayo at langisan ninyo ang inyong mga sarili at magtungo kayo at imbitahan ang lahat ng mga tao sa mundo para dumalo sa seremonya.”

Kaya naman nilangisan ng mga nganga ang kanilang mga sarili at nagtungo sila upang mang-imbita ng mga tao mula sa iba’t ibang mga bayan.


PAGKATAPOS NG MGA ITO, si Aponibolinayen, ang ina ni Dumalawi, ay nakaupong nag-iisa sa kanyang bahay, nanatili pa ring naghihinagpis dahil sa pagkawala ng kanyang anak, nang bigla-bigla ay binalot siya ng pagnanais na ngumuya ng mga nganga.

“Ano kaya ang mali sa akin?” sabi niya sa kanyang sarili; “bakit ko kaya gustong ngumuya? Wala akong balak kumain ng kahit ano habang wala sa piling ko si Dumalawi.”

Habang nagsasalita siya, kinuha niya ang buslo na nakasabit sa dingding, at nakita niya ang nganga na nababalot ng ginto, at nang malapit na niya itong hiwain, nagsalita ito:

“Huwag mo akong hiwain, sapagkat naparito ako upang imbitahan ka sa seremonya na gagawin nina Dumalawi at ng kanyang asawa.”

Labis na natuwa si Aponibolinayen, sapagkat napag-alaman niya na buhay pa ang kanyang anak, at sinabi niya sa lahat ng tao na hugasan ang kanilang mga buhok at maghanda sa pagtungo sa ritwal. Kaya naman hinugasan nila ang kanilang mga damit at buhok at nagtungo sa bahay ni Dumalawiat si Aponitolau, ang ama ng bata, ay sumunod sa kanila, pero mukha siyang baliw. Nang marating ng mga tao ang ilog malapit sa bayan, nagpadala si Dumalawi ng mga buwaya upang itawid sila, subalit nang sumakay si Aponitolau sa likod ng buwaya ay sumisid ito, at itinapon siya pabalik sa pampang ng ilog. Ang lahat ay ligtas na nakatawid, pero si Aponitolau na naiwang nag-iisa sa pampang, ay sumigaw na parang baliw hanggang sa muling nagpadala ng buwaya si Dumalawi upang itawid siya.

Pagkatapos ay nagdala ng pagkain si Dumalawi at nagpasa si Dapisilan ng maliit na banga na mistulang kamao na may lamang basi, at kahit na ang lahat ng mga bisita ay uminom ng matamis na alak, ang maliit na banga ay halos puno pa rin. Pagkatapos nilang kumain at uminom, nagsalita si Aponibolinayen, at sinabi niya sa lahat ng mga tao na masaya siya na maging manugang si Dapisilan. Idinagdag pa niya:

“Ngayon ay babayaran namin ang dote ayon sa kaugalian. Pupunuin namin ang bahay sambahan ng siyamnapung beses na iba’t ibang uri ng mga banga.”

Pagkatapos ay nagsabi siya, “Kayong mga espiritu na nakatira sa iba’t ibang mga bukal, kunin ninyo ang mga banga na kailangang ibayad ni Dumalawi bilang dote para kay Dapilisan.”

Sinunod ng mga espiritu ang iniuutos sa kanila, at nang dalhin nila ang mga banga at mapuno nila ang bahay sambahan ng siyam na beses, nagsabi si Aponibolinayen sa mga magulang ni Dapilisan:

“Sa tingin ko ay nabayaran na namin ang dote ng inyong anak.”

Pero si Dalonagan, ang ina ni Dapilisan, ay hindi pa rin kuntento , at nagsabi siya: “Hindi, kulang pa ang mga ito.”

“Kung gayon,” sagot ni Aponibolinayen. “Sabihin ninyo kung ano ang nais ninyo at babayaran namin.” Pagkatapos ay tumawag si Dalonagan ng alagang gagamba at nagsabi:

“Ikaw, malaking gagamba, magtungo ka sa paligid ng bayan, at habang nagtutungo ka ay maghabi ka ng sinulid kung saan isasabit ni Aponibolinayen ang mga gintong sinulid.” Kaya naghabi ang gagamba ng mga sinulid, at nagdala sila ng gintong mga butil na itinali nila sa mga sinulid. Pagkatapos ay isinabit ni Dalonagan ang mga sinulid, at nang hindi ito maputol ay sinabi niya na bayad na ang lahat ng pagkakautang.

Pagkatapos nito, ang lahat ng tao ay nagsaya, at nang sa wakas ay umuwi na sila, tumanggi si Dumalawi na sumama sa kanyang mga magulang, at nanatili siya kasama ang kanyang asawa sa bayan na kanyang nilikha.


Ang ating kuwento ay orihinal na nakasulat sa wikang Ingles. Nagmula ang mga ito sa librong Philippine Folktales na binuo ni Mabel Cook Cole. Inilimbag ito noong 1916 ng A.C McClurg and Company sa Chicago, USA. Ang pinaghanguang materyales ay may bukas na lisensya sa ilalim ng Project Guternberg kung saan libreng mababasa ang libro.

(c) salin, 2019, Herbel Santiago

Mga Mitolohiya ng mga Pilipino

Mga Mitolohiya ng Iba’t Ibang Bansa

You can support & donate through Paypal or here

Leave a Reply