Unang Aklat: Si Sapira at Ang Aliping Itinakda

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#Mitolohiya #YoungAdult

Kabanata 10: Ang Babaylan

IINOT-INOT NA BUMANGON si Sapira mula sa higaan. Pupungas-pungas na nagtungo sa batalan upang maligo. Nangangalahati na siya sa kanyang almusal na tinapay at kape nang dumating ang kanyang kuya.

"Bilis-bilisan mo pagkain diyan," ani Salermo, ang kanyang nakatatandang kapatid. "Pagkatapos mo, tulungan mo ako dun sa hinihinang kong mga sibat."

Inaantok na umiling siya. "Wala akong oras. Abala ako."

"Saan?" sarkastikong tanong nito. "Anong pagkakaabalahan mo?"

"Eh di ang -" pero hindi na niya naituloy ang sasabihin. Oo nga pala, kastigo niya sa sarili, sinibak na nga pala siya ni Datu Sakay sa kanyang trabaho.

Parang may bato na biglang dumagan sa kanyang dibdib sa naisip na iyon. 

Nang-aasar na pumalatak ang kanyang kuya Salermo.

Kumuha si Sapira ng isang kusot na tinapay, at ubod-lakas na binato sa kapatid. Kapol ang damulag.

Ang lakas ng tawa ni Sapira.

Pinandilatan siya ng kapatid. 

"Eto parang bata," reklamo ni Salermo, pinalis ang tinapay na tumama dito. "Bilisan mo nga dyan. Gamitin natin 'yang masel mong mala-barena para sa pagbubuhat ng mga sibat."

"Hindi ka ba nahihiya na inuutusan mo akong tumulong sa iyo eh kababae kong tao?" pangongonsensiya niya.

"Hindi ka ba nahihiya na kinakain mo ang itinanim, inalagaan at ginapas kong mga pananim eh hindi naman kita anak?" balik-tanong nito.

Natameme siya sa sagot nito.

"Mamaya. Puntahan kita mamaya," aniya, walang maisip na isagot sa kapatid kaya napilitan na lang na sumang-ayon. "Dadaan muna ako sa tahanan ni Datu Sakay. Kukunin ko lang ang natitira kong mga gamit dun."

"Psshhh," ani Salermo, "bahala ka."



"SINONG SINISILIP MO?" kambat ni Nonong Dinagar kay Sapira.

Si Nonong Dinagar ang pinakamatandang alipin sa sambahayan ni Datu Sakay. Siya ang laging kasa-kasama ng Datu. Naabutan nitong alanganing pumasok, alanganing lumabas ang dalagitang si Sapira. Kasalukuyan niyang sinisilip ang Datu Sakay, tinitiyak na wala ito bago pumasok sa tahanan nito. Nakakahiya kasi kung masasalubong niya ito.  

Hindi niya alam kung bakit napadaan siya sa silid ni Datu Sakay. Hindi naman niya gustong bawiin nito ang pagtatanggal nito sa kanya sa trabaho, hindi ba? At tsaka, matagal niya na kayang gustong mahiwalay kay Binukot Busilak. Tingnan mo nga, ang binukot ang naglandi, pero siya ang naparusahan. Nasaan ang hustisya?

"Lumabas na po ba ang Datu Sakay?" inosenteng tanong niya upang matakpan ang pagkapahiya.

"Oo ineng," ani Nonong Dinagar. "Naroon na siya sa kanyang pook-hatulan."

"Ngayon? Kaaga naman po," aniyang napakunot ang noo. Bigla ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Hindi naman siya ang hinahatulan ng mga ito, hindi ba? "Bakit ho kaya?"

Bumuntong-hininga ang matanda. Bago siya nito sagutin, kumuha ito ng kapirasong nganga at inilagay sa bibig. Panumandali itong ngumuya.

Napailing si Sapira. Ang mga matatanda talaga, at ang kanilang mga bisyo. Matiyaga niyang hinintay ang matanda na matapos ngumuya para marinig ang sagot sa tanong niya. 

"May importanteng kailangang gawin ang Datu Sakay," sagot ni Nonong Dinagar, nang sa wakas ay matapos ngumuya.

Parang nais magpapadyak ni Sapira.

"Pero ano ho ang kailangan niyang gawin?"

Dumura ang matanda.

"Ano naman ang pakialam mo sa mga gawain ng Datu?" anito. 

"Pero -"

"Puntahan mo na ang Binukot Busilak,” ani Nonong Dinagar na hindi na siya pinatapos sa pagsasalita, “malamang hinahanap ka na niya."

Napangiwi si Sapira. Huli nga sa balita si Nonong Dinagar. Hindi nito alam na hindi na siya ang personal na alipin ni Binukot Busilak. 

Napagdesisyunan niyang sundin na lang ang payo nito kaysa ang makipagtalo dito. 



NAGTUNGO ANG DALAGITA sa pook-pahingahan ni Binukot Busilak. 

"Tao po," katok nya, sabay tulak sa dahon ng pinto.

Wala sa kanyang higaan ang binukot. Sa halip, nakadungaw ito sa bintanang natatabingan ng sutlang kurtina.

Kumunot ang noo ni Sapira at nilapitan ang amo. Dinungaw niya ang tinitingnan nito.

Nagkakaumpukan ang mga tao sa ibaba. Ang nakapagtataka, nakakakilabot ang katahimikan ng mga ito. Kumunot ang noo ni Sapira. 

Nakaupo sa gitna ng kanyang hapag-hatulan ang Datu Sakay. Pero ang nakapagtataka ay  hindi ang kanyang mga tagapayo ang nakapalibot sa kanya. Sa halip, ilang mga estranghero ang nakaupo sa tabi ng Datu. Sa damit at kinang ng mga alahas na suot ng mga ito, natitiyak niyang ito ang mga pantas na mula sa Palasyo. 

Sa harapan ng mga ito, nakalugmok ang isang babaeng nakasuot ng balabal na puti. Iisa lamang ang tanging may karapatan na magsuot ng puting kasuotang iyon, ang mensahero ng mga Diwata at Espiritu, ang kanilang babaylan. 

Anong nangyayari? naisip niya. Bakit nakalugmok ang aming babaylan?

Sa tabi ni Sapira ay tahimik na nakakagat-labi si Binukot Busilak. Bakas ang masidhing takot sa mga mata nito.

Sa harapan ng nakalugmok na babaylan, isang lalaking nakasuot ng kasuotang mula sa Palasyo ang nakatingin sa kanya. Isang kasulatan ang binabasa ng nasabing lalaki. 

"Ayon sa ating Kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mahika,” malakas na deklara ng lalaking nakadamit ng kasuotan ng mga pantas.  “Ang sinumang lumabag sa kautusang ito ay papatawan ng kamatayan." 

Napanganga si Sapira. Alam naman ng lahat na ipinagbabawal ang mahika sa buong Kaharian. Wala rin namang gumagamit ng mahika sa kanilang tribo. Bakit may nagaganap na paghahatol?

"Sa bisa ng kautusan ng Reyna Makiling at Haring Dolome, ang lahat ng mga mangkukulam ay pupuksain,” pagpapatuloy ng lalaki. “Ikaw, babaylan, ay hinahatulang nagkasala sa sagradong batas na ito. Ikaw ay pinapatawan ng parusang kamatayan!"

Matagal ng bahagi ng kanilang kasaysayan at kultura ang mga babaylan. Sila ang tagapangasiwa ng lahat ng gawaing espiritwal sa kanilang tribo. Sila ang unang nagbibigkis ng puso ng mga sanggol at ng mga diwata ng kalikasan. Sa kanilang mga kampay nagiging sagrado ang pag-iibigan ng dalawang magkasintahan sa ilalim ng patnubay ni Bathala. Sila ang tagapakinig ng mga Diwata ng Digmaan, ibinubulong sa aming Datu at mga mandirigma ang magiging kapalaran ng aming digmaan. Sa kanila ipinagkakaloob ni Magwayan ang sagradong kakayahang payapain ang naghihinagpis na kaluluwa ng mga namayapa.

Hindi masyadong malapit sa babaylan si Sapira sapagkat hindi maaring hawakan ng mga alipin ang mga babaylan. Ang mga babaylan ang mga tagapangasiwa ng langit gayong ang mga alipin ay nakabigkis sa lupa. Gayon man, tiyak ni Sapira na hindi naman mangkukulam si Nana Linangan kung hindi ay isang sagradong babaylan. 

“Ikaw na nagsasabing ikaw ang tagapamagitan sa kaharian ng mga tao at espiritu, ikaw ay sinungaling!” muli ay sigaw ng lalaking mula sa Palasyo. “Ang iyong kakayahang magpagaling ng may sakit ay isang uri ng pangkukulam!”

Humagulgol ang babaeng nakalugmok sa ibaba, si Nana Linangan. Sa gitna ng kanyang hagulgol, hindi ko mahagilap ang babaylang dating nagtataglay ng sagradong katayuan. 

"Anong sinasabi ninyong mangkukulam ang aking ina?” malakas na protesta ng isang boses lalaki. “Kasinungalingan ang lahat ng iyan! Hindi mangkukulam ang Nanay! Isa siyang babaylan! Isang sagradong mensahero ng mga Diwata at Espiritu. Matakot kayo sa inyong ginagawang kalapastanganan!"

Tumakbo ito upang yakapin ang matandang babaeng nakalugmok. Mabilis na humarang ang mga kawal na taga-Palasyo. Nagpumiglas ang lalaki. 

"Katahimikan!” utos ng lalaking Pantas. “Inuutos kong itikom mo ang iyong bibig!"

Nagpatuloy sa pagpupumiglas ang lalaki. "Datu Sakay," pagsusumamo nito na bumaling sa kanilang pinuno, "kilala po ninyo ang aking Inay! Isa po siyang babaylan! Wala po siyang ginagawang masama!"

"Ang gawain ng babaylan ay gawain ng diyablo!” sagot ng lalaking nagbibigay ng hatol. “Ang sinumang gumagamit ng mahika ay kampon ng kasamaan!"

"Hindi totoo iyan!"

"Tumigil ka na!” anito.  “Kawal, kunin ang lalaking iyan!"

"Huwag po!" pagsusumamo ni Ani Linangan. Punong-puno ng hinagpis ang luhaan nitong mukha. "Ako na lamang po ang inyong hatulan, huwag na ho ninyong idamay ang aking anak!”

"Tumahimik ka!" 

"Hindi niyo maaring gawin ito sa akin, sa Nanay ko!” sigaw ng anak ni Nana Linangan. “Binabalaan ko kayo, wag na wag ninyong kakantiin ni daliri ng Nanay ko! Pagbabayaran ninyo ang gagawin niyo! Binabalaan ko kayo!" 

Subalit bingi sa kanyang mga argumento ang Konseho. Kahit anong gawing pagsusumamo ng matanda, wala itong nagawa ng hilahin ng mga kawal ang nagpupumiglas na lalaki palayo sa lugar na iyon. 

Susunod Na Kabanata

Mga Nilalaman

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸

Leave a Reply