Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#Mitolohiya #YoungAdult

Kabanata 3: Nakita ni Kiko Ang Palasyo
GAMUNGGO ANG PAWIS ni Kiko makalipas ang ilang minutong paghahalo. Samantala, hayahay na nakaupo sa ibabaw ng mesa si Sapira, kumukuyakoy ang mga paa habang nilalantakan ang pasalubong na dalandan ng kababata. "Totoo bang nagpupulong ngayon ang konseho upang pag-usapan ang pagpapadala kay Binukot Busilak sa Palasyo?" tanong ng binatilyo. Kapag dumating na ang takdang edad, ipiniprisinta ang mga Binukot at prinsipe ng mga tribo sa Palasyo ng Montala upang doon mag-aral. Milya-milya ang layo nito mula sa kanilang isla. Nagkibit-balikat siya. "Pambihira naman 'to," reklamo ni Kiko. "Hindi ka ba interesado sa mga nangyayari sa amo mo?" "Hindi." Napangiwi ito sa sagot niya. "Tsk tsk," palatak nito. Inirolyo niya ang mga mata sa iginawi nito. Kapag umalis ang Binukot Busilak, mababawasan ang kanyang trabaho. Pabor sa kanya iyon. Katahimikan ang namagitan sa kanila. Sa sobrang haba, pakiramdam niya'y nagtampo yata sa kanya ang kababata. "Nandito nga ang mga iyon para pag-usapan kung paano dadamitan at ipiprisinta ang Binukot sa Palasyo," parang napipilitang sagot niya sa tanong ni Kiko. "Ano ang damit na susuotin? Ilan ang regalong ipiprisinta? Sino-sino ang isasama upang maging bahagi ng kaniyang sambahayan. Andami pang kuskos-balungos, hindi na lang basta papasukin sa eskwelahan ang tao." "Pero bakit?" nagkakamot sa ulong tanong ng binata. "Anong bakit?" "Bakit kailangan pang gawin iyon?" Kumunot ang kanyang noo. "Dahil isa siyang maharlika," aniyang nagkibit-balikat. "At iyan ang pulitika ng mga maharlika." Kumamot ito sa ulo bilang tugon. Humigit siya ng hininga na parang nagtitimpi. "Kasi nga po, makikisalamuha ang binukot sa mga maharlika na taga-Palasyo. Kung anuman ang gawin niya, magiging larawan kung paano titingnan ng ibang mga tao ang ating tribo. Hindi dapat isipin ng mga tao na mahirap at madaling talunin ang ating tribo. Dapat presentable si Binukot Busilak, marangya, kaaya-aya. Doon, hindi lang siya basta mag-aaral. Ang kanyang presensiya ay pupunla ng alyansa, mag-uumpisa ng komunikasyon, bubuo ng relasyon." Sa boung panahon na nagpapaliwanag siya, nakabagsak ang mga panga ni Kiko. "Hoy!" banas na untag niya rito. Napakurap ang binatilyo. Itinikom ang panga. "Ah, ganun pala iyon," anito. "Ang galing mo talaga! Akalain mo, alam mo iyon." "Tse, drama mo." Sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. "Sapira," anito, " may itatanong ako sayo?" "Nag-umpisa ka nang magtanong" Ngumiwi ito. "Hindi, seryoso to." "O ano 'yun?" "Ikaw ba, ginusto mong makapag-aral?" Napatawa siya. "Walang alipin na maaring makapag-aral," aniya. "Pero bakit hindi tayo pwedeng makapag-aral?" "Ewan ko. Hindi ko alam," aniya. "Ikaw ba, gusto mong mag-aral?" Tumango ito. "Oo, gusto ko. Ayaw ko namang habang-buhay akong alipin." "Huwag ka nang mangarap," aniya. "Hindi ka ba naasar na pareho lang naman tayong mga tao, pero may mga bagay na pwede sa iba pero hindi pwede sa atin?" maanghang na sabi nito. Napangiwi siya. "Napakadramatiko mo naman," aniya. "Kahit naman maasar ako, wala namang mangyayari para magbago ang kalagayan natin. Sayang lang emosyon ko." Napabuntong-hininga ito. "Mabuti na rin pala na magtutungo na roon ang Binukot Busilak. Magkakaroon siya ng pagkakataong maging bahagi ng Palasyong namamahala sa ating boung kaharian." Kumunot ang noo ni Sapira."Ano namang ikinaganda nun?" "Kapag naging bahagi siya ng Palasyo, maari nang baguhin ni Binukot Busilak ang mga sistema sa lipunan.Tiyak kong isusulong niya ang sistemang makatarungan. Iyong sistemang walang mapagkakaitan ng karapatan. Pantay-pantay ang lahat. Lahat malaya." Bahagyang natigilan si Sapira sa tinuran ng kaibigan. "Imposible iyon," pambabara ng dalagita. Sigurado siyang pumuti na ang uwak at umitim na ang tagak, hindi iyon gagawin ng binukot. Umingos ang binatilyo. "Ikaw, hindi mo gagawin iyon," akusa nito, "pero ang Binukot, gagawin niya iyon." Ngumiwi siya. "Pssh," aniyang iniba ang usapan. "Ayos-ayusin mo nga 'yang paghahalo mo, umaapaw na." "Ay," anito. "Teka, hindi pa ba tapos ang paghahalo nito? Kanina pa ako halo ng halo eh." Sandali siyang nag-isip. "Akin na nga 'yang sandok. Tikman ko." Parang kinagat ng sandaang langgam ang dila niya dahil sa labis na tamis. Patay, naisip niya, nasobrahan 'yata sa paghalo. "Ano kamusta?" tanong ni Kiko. Hindi siya sumagot. "Akin na nga. Tikman ko rin." Pinalis niya ang kamay ng binatilyo. "Ayos na iyan. Masarap." "Hindi nga?" "Oo nga," aniyang pinandilatan ito. "Ibaba na natin, ayos na iyan." Kakamut-kamot sa ulong walang nagawa si Kiko kung hindi ang sumunod sa kanya. Matapos na maiayos ang kawa ng minindal, naupo ang magkaibigan sa ibabaw ng mesa at sabay na dumungaw sa malaking bintana. MULA SA BAHAGING kanilang natatanaw, kitang-kita ang mga unggoy na naglalambitin sa mga sanga ng puno ng saging. May pangilan-ngilang mga katribo nila ang bumubugaw sa mga ito. Binabato ng mga katutubo ng bungkos ng walis ang mga unggoy. Gumaganti naman ang mga hayop sa pamamagitan ng pagtatapon ng pinagbalatan ng saging. Ang mga unggoy, sadyang mga pinagpalang nilalang, ay laging sapul ang bawat pukol. Aninaw ang dulo ng hapag ng Konseho ng tribong An Lalakay. Nakapalibot sa mababang papag na yari sa sanga ng kawayan ang sampu sa pinaka-iginagalang sa kanilang tribo. Naroon sa dulo ang pinunong si Datu Sakay, nakasungaw ang mga pintados sa katawan sa suot nitong bahag at tsaleko ng mga mandirigma. May nakataling balahibo sa kanyang ulo. Ang ibang miyembro ng Konseho ay mandirigma rin na batbat ng pintados ang katawan. Bawat isang pintados, simbolo ng pagtatagumpay at katapangan. Bawat isa, simbolo ng bawat ulong kanilang nautas. Iisa lamang sa kanila ang naiiba. Si Nana Linangan, ang babaylang tagapagsalita ng Bathala. Kulay puti ang kulay ng kanyang suot na balabal. "Ginusto mo bang pumunta sa Palasyo?" Ang boses na iyon ni Kiko ang bumasag sa kanyang pag-iisip. "Hindi," sagot niya. Ang kulit nito. "Weh?" anitong hindi naniniwala. "Lahat ng tao rito, handang lumangoy ng malayo makarating lang sa Palasyo. Maganda raw doon! Gawa sa marmol ang mga bahay. Hindi gaya dito na pulos bahay-pawid. Dilaan lang ng apoy, maglalaho na." Nagkibit-balikat siya. "Doon kahit gabi, nagkikintaban ang paligid. Puno ng ilaw ang mga paligid. Hindi kagaya rito, napakadilim kapag sumusungaw na ang buwan." "Saan mo naman narinig iyan? Hindi ka pa naman nakakapunta ng Palasyo?" "Kwento-kwento ng mga kababaryo natin." "Naniwala ka naman sa kanila." "Totoo nga," pagpipilit ng lalaki. "Nakita na ni Nong Ilaya nang minsang magtungo siya sa sentro upang makipagkalakalan." Si Nong Ilaya ay isang lakwatserong negosyante. Nagkibit-balikat si Sapira. "Gusto mo bang makita ang Palasyo?" maya-maya'y sabi niya sa kaibigan. May nakakalokong ngiti sa kanyang mga labi. Kagyat na tumango si Kiko. "Pikit ka." "Bakit?" may suspetsang tanong nito. "Basta." "Bakit nga?" "Basta," pilit niya. "Wala ka bang tiwala sa akin?" May suspetsa ang itsura ng binatilyo. Pero masunuring pumikit ito. Pagbukas ng mga mata ng binatilyo, dali-dali niyang pinisil ang balat ng dalandan. Pupusak-pusak ang kababata. "Sapira!" asik nito. "Ano ba 'yun?!" Humagalpak ng tawa ang dalagita. "Di ba gusto mong makita ang Palasyo? Di ba kumukutitap doon? Eh di 'ayan na!" "Langya ka!" nakapikit na reklamo nito, "hindi ko kaya maidilat ang mga mata ko!" Lalo lang lumakas ang tawa ni Sapira. "Sapira!" Dagling tumigil ang halakhak ng dalagita. Kilala niya ang boses na iyon. Dahan-dahan siyang lumingon sa pintuan. Naroon, nakapamaywang, ang kanyang ina. Huling-huli siya sa akto. Patay, malamang masakit na naman ang pwet niya mamaya.
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸