Unang Aklat: Si Sapira at Ang Aliping Itinakda

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MitolohiyaBooks #YoungAdult

Kabanata 2: Sa Isla Ng Mga Perlas

SI KIKO ANG ugat ng lahat ng ito.

Tulad niya, ipinanganak sa liping alipin ang kaibigang si Kiko. Sa Isla ng mga Perlas, ang mga alipin ay naninilbihan sa tahanan ni Datu Sakay. Siya ang pinuno ng kanilang tribo.
 
Kapalit ng kanilang paninilbihan, hinahati ni Datu Sakay ang mga pagkain at inumin sa lahat. Sinisiguro niyang lahat ng naninirahan sa komunidad ay mabubuhay ng matiwasay. Siya din, sampu ng kanyang mga mandirigma, ang nagtatanggol sa kanilang teritoryo laban sa mga kaaway at mababangis na nilalang.
 
Halos lahat ng kabataang lalaki nagnanais maging mandirigma. Maliban kay Kiko. Duwag iyon.
 
Tok...
 
"Aray," reklamo ni Sapira, sapu-sapo ang ulong binatukan ng ina.
 
Namaywang ang kanyang nanay.
 
Nakasuot ng mahabang baro't saya si Ani Selena, ang inay ni Sapira, nakapusod palayo sa mukha ang mahabang buhok. Hawak nito sa isang kamay ang sandok na ipinanghahalo sa nilulutong minatamis na saging.
 
Sa kasalukuyan, sandata ang kahoy na sandok.
 
"Nay naman!" reklamo ni Sapira.
 
"Saan na naman ba lumilipad ang isip mo at hindi ka nakikinig sa itinuturo sa iyo? Ilang beses ko na bang sinabing itubod mo ang tubô para pampatamis ng minindal na niluluto natin! Nakasalalay sa tagal ng pagkatubod ang tamis ng niluluto," singhal ng inay. "Anong ginagawa mo? Nakalimutan mo na namang itubod ang tubô!"
 
Gamit ang sandok, ngani-ngani siyang tirisin ng ina.
 
Napangiwi si Sapira.
 
"Eh," reklamo niya, "ayaw ko nga na nagluluto. Ikaw lang naman ang mapilit na dumito ako. Ang sakit-sakit kaya sa mata ng usok ng pugon!"
Mabilis pa sa alas-kuwatro ang batok ng ina.
 
"Aray!"
 
"Magtigil ka nga Sapira ha," nakapamaywang na pagpapaliwanag ng ina. "Anong klaseng babae ang hindi marunong magluto? Kung ganyan ka ng ganyan, itatakwil ka ni Datu Sakay. Subukan mo ang buhay ng mga barbaro, tingnan natin kung makakatagal ka!"
 
Ang mga barbaro ay ang liping itinakwil ng lipunan. Wala silang tahanan, wala silang pagkain. Namumuhay sila sa pamamagitan ng paglilimos. Yung iba, sa pamamagitan ng pandarambong. 
 
"Ang dramatiko naman ni Nanay," ani Sapira. "Pagluluto lang naman ang ayaw ko. Magaling naman akong gumawa ng mga sandata at magkumpuni ng mga kasangkapan." --- siya ang alalay ng nakatatandang kapatid na si Salermo na panday ng tribo --- "Malaki ang pakinabang sa akin ni Datu Sakay."
 
Sumungasong ang ilong ng ina.
 
Awtomatikong prinotektahan niya ang kanyang ulo.
 
"Tsk," ngiwi nito pagkakita sa ginawa niya, "tamang hinala."
 
Ibinaba niya ang mga kamay.
 
'Alangyang reaksyon 'yan, naisip niya, pahamak.
 
"Hoy Sapira!"--- Napangiwi siya. Sabi na nga ba niya at hindi pa tapos ang pangangaral ng ina --- "Magtigil ka nga riyan. Hindi iyan trabaho ng babae. Tigil-tigilan mo nga ang pagsasama sa kapatid mo."
 
At inilitanya nito ang mga gawaing dapat na ginagawa ng isang babae.
 
"Sapira?"
 
"Po?"
 
"Nakikinig ka pa ba?"
 
"Medyo"
 
"Anong medyo?" anito na nanlakihan ang butas ng ilong.
 
Mabuti na lamang at sa puntong ito ay biglang may taong dumating.
 
"Ani Selena? Narito ho ba kayo?"
 
Napatigil ang ina sa ginagawang pangangaral. Sumungaw sa pintuan ang patpating katawan ng nagsalita, ang kanyang kababatang si Kiko.
 
"Oh Kiko, naparito ka?" tanong nito sa taong dumating. 
 
"Oo nga," susog ni Sapira. "Anong ginagawa mo rito?"
 
Nilapitan ni Kiko si Ani Selena at inignora si Sapira. 
 
"Pinapatawag daw ho kayo ni Datu Sakay. May kailangan daw ho sa inyo ang Binukot Busilak," anito.
 
Tinatawag na binukot ang prinsesa ng mga tribo. Isang mutyang labis na iniingatan, hindi maaring sumayad ang mga paa ng dalagita sa lupa. Kapag may pupuntahan ang dalagita, sumasakay siya sa espesyal na karwaheng kawayan at binubuhat ng apat na binatilyong alipin.
 
Romolyo ang mga mata ni Sapira.
 
"Bakit hindi ako ang ipinatatawag ng malditang Binukot?" pakikisali niya sa usapan.
 
Si Sapira ang personal na alipin ni Binukot Busilak.
 
Kumunot ang noo ng kababata. Ayaw na ayaw nito na tinatawag niya ng ganoon ang Binukot.
 
"Magpapasukat ng saya ang Binukot Busilak, Ani Selena," sagot ni Kiko na hindi pa rin pinapansin si Sapira. "Ipinatatawag niya ho kayo para tulungan ang sastre sa paghahabi ng mga ito."
 
Magaling na mananahi ang kanyang ina. Sa kanya nagpapatahi ang mga maykaya sa kanilang bayan. Dinarayo siya ng mga maharlika na nagnanais magpatahi ng makukulay na kasuotan.
 
"Siyanga," sagot ng ina, ipinahid ang kamay sa dulo ng blusa upang maalis ang kumapit na mantika. "Kung gayon, halika na."
 
"Nay?" reklamo ni Sapira, "anong mangyayari dito sa iniluluto mo?"
 
"Aba tinatanong pa ba iyan? Ikaw ang magpatuloy."
 
"Ha?" aniya. "Ayoko nga!"
 
Namaywang ang ina.
 
"Sino ang may sabi sa iyong pwede kang tumanggi?"
 
Romolyo ang mga mata ni Sapira.
 
"Hah! Kala mo makakalusot ka!" pang-aasar ni Kiko.
 
Pinandilatan niya ang kaibigan, na minalas namang nakita ng ina.
 
"Sapira!" saway ng kanyang ina. "Gawi ba iyan ng isang babae?"
 
"Siyanga Ani Selena, tama ho kayo," nakangising ayuda ng kaibigan. "Tara na ho!"
 
"Dumito ka na lang kaya Kiko. Bantayan mo itong si Sapira. Ako na lamang ang magtutungo sa silid ni Binukot Busilak," ani Ani Selena.
 
Sa narinig, parang pinagsakluban ng langit at lupa ang dalawa.
 
"Ayoko ho!" sabay nilang reklamo.
 
"Bakit?"kunot-noong tanong ni Ani Selena.
 
"Ayoko pong maiwan dito. At gusto ring sumama niyang si Kiko sa inyo. May gusto iyan sa Binukot Busilak," walang prenong paliwanag ni Sapira.
 
Namula ang mga teynga ng binatilyo.
 
"W-wala naman a-akong --" nauutal na paliwanag nito. "Teka, hindi naman ganun ang ibig kong sabihin. Hindi naman ako sasama dahil-dahil," anitong hindi masabi ang nais sabihin. Bumaling ito sa kanyang ina, "Ani Selena, huwag ho kayong maniwala sa kanya!"
 
"Hindi nga?" pang-aasar ni Sapira sa kaibigan.
 
"Sapira!" pananaway ni Ani Selena.
 
Dagling tumikom ang bibig ng dalagita.
 
"Tumigil na kayo. Maging mabait kayo sa isa't isa," paalala ni Ani Selena. "Ako'y hahayo na."
 
"Opo"
 
Pinandilatan siya ng ina ng si Kiko lang ang sumagot.
 
"Opo," aniyang tila napipilitan. 
 
"Siguraduhin mong masarap ang pagkakaluto ng ating meryenda. Nagmula pa sa sentro ang bisita ng Datu Sakay. Siguruhin mong hindi mapapahiya ang ating tribo."
 
Ngumiwi siya, "Opo."
 
Malakas na naglug-glug ang malaking kawa. Parang nag-aasar.
 
"Tumigil ka nga," asik niya sa kumukulong kawa.
 
Dagling tumigil ang paggalaw ng kumukulong kawa. Natakot 'ata.
 

"SALO!"
 
Mula sa dulo ng silid, inihagis ni Kiko ang isang piraso ng dalandan na itinago nito sa bulsa ng kanyang salawal. 
 
Di tulad ng mga kababata nilang nagsasanay na maging mandirigma, hindi nakasuot ng makulay na bahag at tsaleko ang binatilyo. Sa halip, nakasuot ito ng kulay putik na kasuotang panglalaki na gawa sa sanga ng kahoy. Makapal ang mga damit nito para sa butuhang katawan. Iisa lang din ang pinta sa kanyang katawan, ang marka ng kanyang pagiging alipin. Halos isang linggong ngumawa ang binatilyo ng imarka ito sa kanyang katawan.
 
"Sa'n galing ito?" tanong ni Sapira na walang hirap na sinalo ang dalandang ibinato ng kababata. 
 
"Ewan," kibit-balikat ng binatilyo. "Dala ni Kuya nang kagagaling niyang mangaso sa gubat."
 
Naupo ito sa isang tabi, kumuha ng isa pang dalandan sa salawal nito at nag-umpisa itong balatan at lantakan. Hindi nito napansin ang pagkislap ng kanyang mga mata.

"Sa tingin mo, sa gitna ng gubat niya natagpuan ang puno ng dalandan?" kaswal na tanong niya.

"Siguro," sagot ni Kiko. "May mga huli rin siyang napakaraming mga ibon. Iprinisinta niya kanina kay Datu Sakay."
 
"Sa gubat din siya nakahuli ng ibon?"
 
"Oo yata."
 
Hinalo ni Sapira ang minatamis, habang matamang nag-iisip. Gamit ang sandok, sumalok siya upang matikman ang lasa ng niluluto.
 
"Kamusta? Masarap ba?" usyosong tanong ni Kiko.
 
Sandali siyang nag-isip.
 
"Halika nga dito. Tikman mo."
 
Umisog palapit ang kaibigan. Gamit ang sandok, tinikman ng kababata ang lasa ng niluluto.
 
"Kamusta? Ano sa tingin mo? Masarap ba?"
 
Nag-asta itong ninanamnam ang kinakain.
 
"Ano nga?"
 
"Parang sunog na."
 
Dali-dali siyang sumandok ulit at nilasahan ang niluluto.
 
"Di naman," aniya.
 
"Hindi, parang sunog talaga," pilit nito.
 
"Hindi nga!"
 
"Pero -"
 
Namaywang siya. "Ikaw ba eh marunong tumikim ng niluluto?"
 
Umiling ito.
 
Ay wala, ngiwi niya.
 
"Taga-kain lang ako sa bahay. Gawaing pambabae iyan," kibit-balikat na paliwanag nito. 
 
"Kaasar, hindi ka naman pala marunong tumikim ng lasa. Sipain kita eh!"
 
"Bayolente!" singhal nito. "Isusumbong kita kay Ani Selena!"
 
Napangiwi siya. Syempre, kung magsusumbong na ito sa kanyang inay, aba'y ibang usapan na iyon. Marahil, kailangan ko ng manahimik. 
 
Muli niyang tinikman ang lasa ng niluluto.
 
"Matabang pa ng kaunti. Kailangan lang itong haluin pa," deklara niya. 
 
"Ahh," tango ng lalaki.
 
"Alam mo bang magandang ehersisyo ang paghahalo?" aniya.
 
Nagkibit-balikat ang lalaki.
 
"Ang pag-eehersisyo ay nagpapaganda ng katawan," kaswal niyang pagpapatuloy. "Nasabi ko na ba sa iyong mahilig si Binukot Busilak sa mga lalaking maganda ang katawan?"

"Weh?" anito.
 
Tumango si Sapira.
 
"Sino ba naman ang babaeng tatanggi sa maskuladong katawan, na tila ba napakasarap kapag nakayakap sa iyo? Yung may malapad na dibdib na napakasarap sandalan," dagdag niya.

Habang sinasabi niya iyon, hindi maiwasan ni Kikong mapatingin sa patpating katawan.
 
Napatayo ang lalaki.
 
"Ako na ang maghahalo niyan!" boluntaryo nito. 
 
Patagong napangisi ang dalagita.
 
"Kaya mo ba?" aniyang kunwaring itinaas ang mga kilay na parang hindi naniniwala. "May tamang balanse, ritmo, at bigat ang bawat halo. Kailangang balanse ang iyong mga galaw upang mabanat ang iyong mga masel. Sa tingin ko, hindi mo kaya."
 
Umiling ito.
 
"Hindi," tanggi nito. "Kaya ko! Dali na! Alis na diyan, ako na ang gagawa niyan. Kayang-kaya ko 'yan!"
 
"Sige na nga," ani Sapira, "mapilit ka eh."
 
Tuwang-tuwa ang binatilyo nang ibigay ni Sapira ang sandok sa kanya.
 
Tuluyan namang napangisi ang dalagita.
 
Sa di-kalayuan, lingid sa kanilang kaalaman, nakatayong iiling-iling ang Datu ng kanilang barangay, si Datu Sakay. 

Susunod na Kabanata

Mga Nilalaman

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸

Leave a Reply