Unang Aklat: Si Sapira at Ang Aliping Itinakda

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#Mitolohiya #YoungAdult

Kabanata 4: Naghanap si Sapira ng Imposible

ISANG ORDINARYONG UMAGA iyon nang ihayag ng tagatawag ang pagdating ng mga misyonero mula sa Palasyo. Binubuo ng mga pantas at iskolar na tagapayo ng Hari ang delegasyon.

"Mga kapwa ko katutubo, narito ang pinakabagong kapahayagan mula sa Sentro. Nakatakdang magtungo rito ang mga misyonero ng Hari dalawang araw matapos ang Taggapas. Magsipaghanda ang lahat! Magsipaghanda ang lahat!"

Umakyat ang tagatawag sa mataas na sanga ng punong mangga para marinig ng lahat ang kanyang sasabihin.

Iika-ikang nagtatakbo sa liwasan si Kiko para marinig ang sinasabi ng taga-tawag. Iika-ika ito dahil nadapa habang nagbubuhat ng panggatong. Iiling-iling na sumunod dito si Sapira.

Humugos ang bulong-bulungan ng mga kapitbahayan dahil sa hatid na balita ng tagatawag.

"Darating ang mga pantas mula sa Palasyo?"

"Ano kayang itsura nila?"

Mukhang tao malamang, sa isip-isip ni Sapira.

"Bakit kaya? Ano kaya ang gagawin nila dito?"

Nakakarindi ang kanya-kanyang usapan ng mga tao.

"Ano sa tingin mo ang dahilan ng pagpunta nila rito?" baling ni Kiko sa kanya.

Nagkibit-balikat ang dalagita.

"Bakit ba ganyan ka?" reklamo ni Kiko. "Ni hindi ka man lang ba natutuwa na magpupunta dito sa isla ang mga taga-Palasyo?"

Akala mo naman mas nakakataas ang mga taga-Palasyo kumpara sa kanila kung magsalita ito.

Muli siyang nagkibit-balikat.

"Malamang nandito 'yung mga iyon para bumili ng perlas," aniya.

Matatagpuan sa pusod ng karagatan ng isla ang mga magaganda at magagarang mga perlas. Ito ang pangunahing produkto ng kanilang tribo. Sinisisid ng mga aliping maninisid ang dagat para gapasin ang mga perlas na inaalagaan ng mga kabibe.

"Hindi nila kailangang pumunta rito para bumili ng mga perlas," rason ng kaibigan. "May mga mangangalakal na nagpaparoo't parito para makipagkalakan."

"Malay ko, kung gayon," kibit-balikat niya.

"Hindi mo ba gustong malaman kung bakit sila pupunta dito?"

"Hindi nga. Kulit mo."

Napakamot sa ulo ang kaibigan.

"Malalaman naman natin iyan pagdating nila,"praktikal na sagot niya, "Halika na."

Magtutungo ang dalawa sa lawa na nasa itaas ng bundok para mag-igib ng tubig.

Tila nabatu-balaning hindi maalis ni Kiko ang pagkakatingin sa taga-tawag. Si Pastakingan, ang pinakamabilis tumakbo at pinakamalakas ang boses sa baryo ang naatasang maging tagatawag. Tuwang-tuwa ito sa pagsagot sa mga tanong ng mga katribo. 

"Oy,"kambat niya kay Kiko.

Napakurap ang binatilyo.

"Tara na," hila niya sa kamay ng kaibigan. 

Wala itong nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya.


"SAPIRA, HANDA NA ba ang aking paliguan?"

Malamyos ang boses ng babaeng tumawag sa kanya.

Nagmadali si Sapira sa pagsasaboy ng mga talulot ng rosas sa malaking batyang-paliguan na nakalaan para sa Binukot Busilak.

Dahil hindi nga maaring maarawan ang binukot, malamang hindi pwedeng magtampisaw sa lawa ang dalaga. Kaya naman, nagkakandakuba si Sapira para mag-igib ng tubig pampaligo ng binukot.

"Malapit na, Binukot Busilak," sagot niya sa tanong nito, "Sandali na lang."

"Napakatagal naman," malamyos na reklamo ng binukot.

Ikaw kaya ang umakyat ng bundok at manguha ng tubig, ngani-nganing sabihin ng dalagita.

"Paumanhin ho," hinging-tawad niya, medyo labas sa ilong.

Ikinawkaw niya ang kamay sa tubig para itsek ang temperatura kung maligamgam na. Para hindi ginawin si Binukot Busilak, binubuhusan niya ng maligamgam na tubig ang pampaligo nito.

Ayos na siguro ito, aniya.

Ipinitik niya ang mga daliri para senyasan ang mga kasamahang alipin. Tumango ang mga ito. Nagkakaintindihan naman sila, isang galawan lang ng mga kilay, alam na nila ang ibig sabihin.

Sabay-sabay na binuhat ng apat na binatilyo ang magkabilang dulo ng karwaheng kawayan na sinasakyan ng dalagita. Nang makalapit sa kaniya, tumigil ang mga ito at maingat na ibinaba ang karwahe.

Bilib din siya sa mga ito. Hindi man lang nabigatan sa binukot.

"Pwede ka nang lumabas, Binukot Busilak."

Dahan-dahang hinawi ng dalagita ang kurtinang nakatabing sa karwahe nito. Sumungaw ang morenang kagandahan; makinis na kutis, maninipis na mga labi, at itim na itim na mga mata. Mahaba ang tuwid na tuwid nitong buhok.

Lumuhod ang mga binatilyo at pinagsalikop ang mga kamay upang magsilbing upuan ng binukot.

Magalang na yumukod si Sapira nang makarating ang Binukot Busilak.

"Sandali," ---tumigil ang mga binatilyong nagbibitbit sa dalagita nang marinig ang malamyos na boses ng binukot --- "mga talulot ng rosas ba ang nariyan sa tubig?"

Tumango si Sapira. 

"Oho," sagot ni Sapira. "Kahapon, nakiusap kang lagyan ng rosas ang iyong tubig-pampaligo. Ang bango, di ba?"

Sandaling nag-isip ang Binukot.

"Pasensya na," sabi ni Binukot Busilak sa inosenteng boses, "nahahatsing ako sa amoy ng rosas. Maari bang tanggalin mo ang mga iyan?"

Napakunot ang noo ni Sapira.

Tuwang-tuwang naglunoy sa ilalim ng mga talulot ng rosas ang dalagita kahapon. Parang hindi naman ito nahatsing ah.

"Tanggalin ko lahat?" tanong ni Sapira.

Inosenteng tumango ang dalagita.

Sumimangot si Sapira.

"Sabi mo eh," aniyang medyo nababanas.

"Sapira?"

"Oh," aniya.

"May isa pa akong ipapakiusap sa iyo, kung maari sana," anito.

"Ano ho iyon?"

"Pwede bang sa halip na mga rosas, mga talulot ng orkidyas ang ilagay mo?" 

Napangiwi si Sapira.

"Yung waling-waling," dagdag na utos nito.

Ngani-nganing pagbabatuhin ni Sapira ang Binukot. Letsugas, saan kaya siya makakahanap ng higanteng orkidyas na iyon?


ISANG DRAMATIKONG TRANSPORMASYON ang nagaganap sa boung komunidad.

Nagwalis at naglinis ang lahat ng kabahayan. Ni isang naninilaw na dahon, walang naligaw sa bakuran ng mga katutubo. Ang marurusing na mga bata, biglang nagkintaban. Pati ang mga alagang kabayo at manok, masinsing pinaliguan. Malayo pa lang, rinig na rinig na ang tilaok at halinghing ng nagrereklamong mga hayop.

Napapaligiran ng mga disenyong bulaklak at maririkit na sanga ng kawayan ang paligid ng liwasan. Biglang lumabas ang natatago nitong ganda. Pati mga kaawa-awang kalabaw na umuuwi galing sa pag-aararo sa kabukiran, nalilito at naliligaw.

Pinakamaganda at pinakapuno ng mga aktibidades ang bahay ni Datu Sakay. Abalang-abala ang mga kababaihan sa pagluluto. Malayo pa lang, naamoy na niya ang masasarap na halimuyak ng adobo, kare-kare, inihaw na bangus, at sangkatutak na mga minatamis.

Napalunok siya, tahimik na pinunasan ang laway na tumulo sa bibig. Napahawak siya sa kanyang sikmura. Kanina pa ito naghuhurumentado sa gutom.

Napahinga siya ng malalim, sandaling nagtalo ang isip.

"Tsk," palatak niya na napailing. 

Siyempre, hindi pwedeng unahin ang kanyang sariling pangangailangan. Makakagalitan siya ng binukot kapag pinaghintay niya ito. Napagdesisyunan niyang kalimutan ang pagiging patay-gutom. Mamaya na lamang siya kakain pagkatapos maligo ng binukot.

Marahan niyang binagtas ang orihinal na destinasyon.

Masukal ang daang tinahak niya. Nagsasalimbayan ang malalaking baging at malalapad na sanga ng matataas na punong-kahoy. Pupunta si Sapira sa loob ng kagubatan, sa Lawa ng Habang-buhay na Kariwasaan. Ito ang pinakamagandang hardin sa kanilang lugar. Masinsin ang kasukalan at tigib ng mga magaganda at kakaibang mga bulaklak. Titignan niya kung may naliligaw doong waling-waling.

Ikinakanlong ng dalawang kambal na kweba ang tagong lawa. Karamihan sa mga katutubo, ayaw umapak sa lugar na ito dahil sa mahiwaga nitong awra. Balot ng sari-saring kwentong kababalaghan ang lugar.

May engkanto daw sa lugar. Napakahilig daw manligaw ng mga pilyong engkanto sa mga minamalas na tao. Kapag natyempuhan mo sila, hindi ka makakarating sa paroroonan mo. Iikot-ikot ka lang sa lugar. Inaakit daw ng mga ito ang mga magagandang babae sa kanilang bayan kaya hindi na ulit natatagpuan ang mga ito.

Nagkikibit-balikat lang si Sapira sa mga usap-usapang ganito. Malay ba niya, nakikipagtanan lang ang mga kababaehang iyon kaya nawawala.

Ang kaso, hanggang bulong-bulungan lang ang mga katutubo. Walang aamin na naniniwala sila sa kababalaghan. Matagal ng ipinagbabawal ang paniniwala sa anumang uri ng kababalaghan at pagsasagawa ng anumang uri ng mahika. Kamatayan ang kaparusahan sa pagsuway sa utos na ito.

Hinawi ni Sapira ang mga baging na nagkukubli sa lawa.

Mabini ang hanging sumisimoy sa paligid. Malinaw ang lawa kaya't kitang-kita ang mga dalag at hito na naglalangoy at nagtatalunan.

Napangiti ang dalagita. Napakaganda ng lugar na ito. Nagsasalimbayan ang preskong berdeng mga damo, nakakasilaw na rikit ng dilaw na mirasol, at kulay ubeng bango ng geranyum.

Iba talaga ang imahinasyon ni Bathala, kagila-gilalas.

"Ngayon, waling-waling, nasaan ka?" tanong ni Sapira sa walang hangganang hardin na kanyang natatanaw.

Mabini ang hanging sumagot sa kanya.

Napabuntong-hinga siya. Hanap-hanap din minsan 'pag kailangan.

Sa nakalipas na ilang minuto, binuhos ng dalagita ang boung atensyon sa paghahanap sa hinahanap na bulaklak. Pero napatda ang babae ng may marinig na malakas na kalabog sa di-kalayuan.

"Ano iyon?"

Tumigil ang galaw ng hangin. Pansamantalang tumigil maging ang indayog ng nagsasayawang mga dahon.

"Tulong! Tulungan niyo ako! Tulong!"

Histerikal ang sigaw na iyon.

Napatigagal si Sapira. Parang may kung ano na kumoryente sa kanya. 

Susunod Na Kabanata

Mga Nilalaman

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸

Leave a Reply