Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks

Uwian
Naglilinis na sila ng pinagtindahan
Nagpupulot ng basurang naiwan
Naghahanda nang mag-uwian
Sa sariling tahanan
Bukas kaya ganito na naman?
Sila'y magbubukas
Pagkatapos ay mag-uuwian?
Ano kaya ang kanilang nararamdam
Sa gayong kapayakan?
May lambong kaya
Sa kanilang puso?
O di kaya
Naman ay pagkahapo?
Baka nama'y wala
Pagkat nasa kanila ang tiyaga
Na sumunod sa nakasanayan
At pagtiyagaan ang pangmatagalan
Maswerte sila
Kung gayon
Pagkat tila mas payapa
Ang kanilang isipan
Hindi sila binabalisa
Ng himagsik ng damdamin
Ng isang tumatanggi sa kahon
Hindi sila nilulugmok
Ng katawang ayaw sumunod
Sa orasan ng lipunan
Pero natatakot naman
Sa kawalang-katiyakan
Nakakainggit
ang kanilang tiyaga
Sana nga'y ganun lang kadali
Ang manatili
Sa pangmatagalan
November 23, 2018
(c) Herbel Santiago
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸