Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks

Kuwadrado
Ang sukat ay kuwadrado,
Ang salamin ay kapiraso,
Nagkalat sa mesa nito,
Ang naiwang mga kuwaderno.
Nawalan na ito ng mamamayan,
Kaya naging hungkag kung titingnan.
Subalit kangina lamang
lugar ito ng talakayan,
tahanan ng pakikipagsapalaran
Sa pagkilala sa mga katotohanan,
Na hindi pa lubos na naiintindihan,
Subalit pinipilit na nais maunawaan.
Lugar din ito ng kanilang
mga unang kabiguan,
Ng mga iyak ng pagkadismaya
sa sariling kakayahan,
Dito,
lumulutang pa ang kamusmusang
ikinukubli ng malalaking bulas ng katawan.
Dito,
Patuloy kaming nagtatagpo,
Sila at kaming patuloy na nagsasabing,
"Ang pagkakamali ay mabisang guro,
Hindi pa tapos ang mundo.
Bukas, muli tayong susubok,
Magpapatuloy tayo
Sa daan patungo sa pagkatuto."
(c) 2018, Herbel Santiago
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸