Buy books here. Donate through Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks
Di Na Lilingunin
Kita tayo. 8 pm sa Starbucks.
Iyon ang pumasok na mensahe
Sa cellphone kong bagong bili
Ni hindi nga nakaregister ang pangalan mo
Pero alam kong sa iyo
Kasi kabisadong-kabisado ko
Ang bawat numero ng cellphone number mo.
Sa tagal na rin kasi natin
Sampung taon ba naman
Marami na rin tayong pinagsaluhan
At maraming pagsubok na pinagdaanan.
Yung karamihan doon,
ating napagtagumpayan
Yung iba,
kinalimutan na lang.
Magkaklase kasi tayo
Sa kolehiyo noon
Magkabarkada ang opisyal
Na press release noon
Pero naglalandian
Kapag alkohol ang iniinom.
Alam ko na noon pa man,
Na bet na bet kitang ganap
Kaya wagas ang pagkabanas
Sa diskarte mong naagnas.
Pero isang araw,
nagtext ka rin noon,
Nokia 5510 pa ang phone na gamit mo noon
Yung ipinagyayabang mong gamitin
Kahit singlaki yata ng remote control ng TV namin
Ang sabi mo,
6 PM. Kita tayo.
At sa tapsilogan ni Manang Bebang
Iyon ang ating pinuntahan.
At doon,
ang torpeng ikaw ay nagtapat
Nagsabing,
"M-mahal k-kita."
Takot ka pa noong
tumingin sa aking mga mata
Pero ang sagot ko lang
"Langya, kung alam mo lang,
Kung gaano katagal
Ako sa iyo'y naghintay"
Kasabay ng pag-amin ang pagliwanag
Ng iyong mukha
At ang pagdampi ng iyong mga labi
Sa aking mga labi.
Sampung taon na rin iyon
Magmula ng maging tayo
Maraming mga kanta na rin
Ang nilikha mo para sa akin.
May mga panahong ipinagpapalit mo
Ang paglalaro ng DOTA
Makapiling
lang ako.
At sa tuwing umuuwi ka sa probinsya mo
Gumagawa ako ng pagkaing babaunin mo
At naghahanap ng maireregalo
Sa mama mo.
Subalit,
nauna akong magtapos sa iyo
Bumagsak ka kasi sa isang subject mo
At dalawang beses na nagshift ng kurso
Nauna rin akong magkatrabaho
Kaya habang ang thesis ang problema mo
Ako nama'y pinoproblema ang dokumento
Na hinihingi ng Senado.
Noong isang buwan, nagtext ka rin noon,
Let's have a break.
K, ang reply ko noon
Akala ko naman kasi ang gusto
Mo lang ay bakasyon.
Pero, walangya,
biglang hindi ka na makontak mula noon
I tried to call you,
You never answered, not even once.
At doon sa FB post mo,
Qinuote mo pa ang cool-off ni Yeng Constantino.
Kaya ang sabi ko,
"Alangya, cool-off ba 'to?"
Matapos ang isang buwan
Heto ka ngayon
Nagtext na naman
Humihiling
Ng isa pang pagkakataon.
Okay, sige, kita tayo.
Yan ang reply ko.
Nag-iinit kasi ang ulo ko
Sa walang habas na pakikipag-break-up mo
Sa araw na magkita tayo,
Alam ko ang gagawin ko
Itataas ko ang mga kilay ko
Hahalukipkip
Sabay sabing, "Magpaliwanag ka."
Elegante at sopistikada.
Pagpatak ng alas-sais
Sabay tayong nagtungo sa ating tipanan
Pero bakit ganun?
Nalusaw kasi ang galit at hinanakit
Ng ikaw ay masilayan.
May alanganing ngiti sa iyong mga labi
Pero sapat na iyon,
sapat na iyon
Para sa akin.
Tumikhim ka
At ang mata'y parang nahihiya
At ang namutawi sa aking bibig
Ay tanging
"Kamusta ka?"
"Kumain ka na ba?"
"Kamusta ang araw mo?"
"Tumae na naman ba ang aso mo
Sa loob ng kuwarto mo?"
Lahat ng plinano kong sabihin
dagliang naglaho.
Kasi naisip ko,
Baka pwede pa.
Baka kapag hindi ko pinansin
Baka kapag hindi ko sinabi
Kapag umakto akong walang nangyari
Baka pwedeng maging tayo,
Maging tayo ulit.
Pero ang gago mo eh,
Wala kang sinagot sa mga tanong ko,
Kumain ka lang na parang wala ako
At ni ayaw mong tingnan ang mga mata ko
Hindi ko alam tuloy kung bakit
Nagkita pa tayo.
Inaalam mo lang ba kung mayroon pang tayo?
Sinusubukan mo lang ba kung pwede pa ito?
Naasar ka ba sa pagkatrying hard ko?
Bakit walang sagot mula sa iyo?
Bakit parang puro ako?
Nakakapagod din pala,
Ang magsalita nang mag-isa,
Ang magkunwaring nakangiti
Ang magkunwaring walang mali.
Ng matapos ang gabing iyon,
Gabing batbat ng pag-aalangan
Sumisid sa aking damdamin
Ang isang realisasyon
Isang realisasyong alam kong
Wala ng bawian.
Kaya ng tayo'y magpaalam
Malungkot na ngiti
ang tangi kong isinukli
At nang mag-umpisa na akong maglakad
Alam kong ikaw
Ay di na lilingunin.
Wattys 2018 Shortlist
(c) 2018, Herbel Santiago