Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks
Muli Akong Magsisimula
Maraming naging mali,
Maraming naging palpak,
Ang bawat mali’y sumusugat,
At ang bawat kapalpakan ay nangangagat.
Pero hindi pa ako tapos,
“Isa pa,” ang sabi ko,
“Isa pa.”
Nang unang tahakin ang landas na pinili,
Madilim ang hagdanan,
At matarik ang dinadaanan.
Walang gabay,
Walang giya,
At tanging pag-asa
Ang nagsisilbing lampara.
Sinubukan ko.
Isinakripisyo ang gabi,
At pinahaba ang umaga.
Lumikha ng mga hakbang
Na kalkulado ko,
Na tiyak ko,
Magdadala sa akin
sa hinahanap na tagumpay.
Pero
nagkamali ako.
Mailap ang tagumpay.
Nagtatago ang pagkilala,
Nauupos ang pag-asa,
At ang bawat hakbang ay tila
patungo sa kawalan.
Maraming naging mali,
Maraming naging palpak,
Ang bawat mali’y sumusugat,
At ang bawat kapalpakan ay nangangagat.
At ang tanging naging malaya
Ay ang pamamalisbis ng aking mga luha.
Pero hindi pa ako tapos,
ang sabi ng Inay ko,
“Isa pa,” ang sabi niya,
“Isa pa.”
Kaya’t tumayo akong muli,
At ibinalik ang ngiti.
Sinubukang muli,
Na ipakilala ang panulat,
at itatak ang mga pangungusap,
Sinubukang ang wika’y mangusap,
Sa mga pusong handang mangarap.
Pero bulag ang karamihan,
At bingi ang kalahatan,
Nanatili sa kawalan,
Ang mga nilikhang pinaghirapan,
Naiwang napabayaan,
Ng mundong walang pakialam.
Maraming naging mali,
Maraming naging palpak,
Ang bawat mali’y sumusugat,
At ang bawat kapalpakan ay nangangagat.
At ang tanging naging palaisipan,
Ay ang naging dahilan ng kabiguan.
Pero hindi pa ako tapos,
ang sabi ng kaibigan ko,
“Isa pa,” ang sabi niya,
“Isa pa.”
Pero pagod na ako,
At hapo sa mahabang pakikipagtalo,
Sa agos ng mundo,
Na ayaw yatang kilalanin ako.
Kaya itinigil ko ang lahat,
Tinapos ang pakikipagbuno,
At muling kinilala ang puso,
Na matagal nang nahahapo.
At sa katahimikan ng kawalan,
Hinayaang ang puso ang mangusap,
Kinilala ang galaw ng uniberso,
At niyakap ang isinisigaw nitong kuwento.
At sa pagpikit ng aking mga mata,
Isa ang tanging nakilala,
Tila yata
May pagkakamali ako.
Nagkamali ako dahil iba ang tiningnan ko,
Nagkamali ako dahil tagumpay ang inuna ko,
Nagkamali ako dahil nakalimutan ko,
Ang dahilan ng pagtungo sa landas na ito,
At inuna ko ang makamundong nais ko.
Nagkamali ako,
Dahil nabahiran ko,
Ang pagiging puro ng aking talento.
Maraming naging mali,
Maraming naging palpak,
Ang bawat mali’y sumusugat,
At ang bawat kapalpakan ay nangangagat.
Pero naiintindihan ko na
Na may dahilan ang bawat isa.
Hindi pa ako tapos, naisip ko,
“Isa pa,”
ang sabi ko,
“Isa pa.”
Magsisimula,
Muli akong magsisimula.
Wattys 2018 Shortlist
(c) 2018, Herbel Santiago