Donate here: Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks

Nais Kong Umuwi
Hindi ko alam kung ano
Hindi ko alam kung paano
Subalit sana'y alam ko
Upang maituro ko sa iyo
Hindi ko alam kung saan
Nagbubuhat ang bigat
Hindi ko alam kung paano
Pagagaanin ang hirap
Subalit sa tuwing uuwi ako
Iisa lang naman ang gusto ko
Ang magpahinga sa gulo
At pagod
Ng araw-araw na trabaho
Sana'y sa pag-uwi ko
Kapayapaan
Ang matatagpuan
Ko
Hindi ang balita
Ng pagpapabaya
Ng isang ama
Na naduwag sa bigat
Ng nasabing responsibilidad
Paano'y nagmadali
Hinabol ang sariling
kaligayahan
Gayong hindi pa kayang
Panindigan
Kaya't ang kanyang kakulangan
Kinailangang punan
Kapalit ang sariling
Kaligayahan
Sana'y sa pag-uwi ko
Kapayapaan
Ang matatagpuan
Ko
Hindi ang ingay ng
Tinitimping galit
Sa kahirapang batbat
Ng pasakit
Kaya't ang kaniyang galit
Kinailangang payapain
Kapalit ang sariling
Katinuan
Sana'y sa pag-uwi ko
Kapayapaan
Ang matatagpuan
Ko
Hindi ang balita
Ng pagkatalo
Sa tawag ng materyalismo
Upang punan
Ang pakiramdam ng pagkatalo
Pagka't ang puwang
Na nilikha ng materyalismo
Ay pagsasakripisyo
Ng mga mahahalagang obheto
Sana'y sa pag-uwi ko
Kapayapaan
Ang matatagpuan
Ko
Sana'y dumating ang araw
Na kuwento ng panalo
Ang mararatnan
Ko
Isang panalo
Laban sa depresyon
Isang panalo
Laban sa galit
Isang panalo
Laban sa kahinaan
Nais kong umuwi
Sa mga taong matitibay
Sa mga taong matatag
Sa mga taong mapayapa
Marahil
Kapag dumating ang araw na ito
Magiging malaya rin akong
Buhayin ang sariling
Buhay ko.
(c) 2019, Herbel Santiago
Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸