Buy books here. Donate through Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks

Isang Pakikipaglaban
Isang pakikipaglaban
Sa laro ng kapalaran
Sa tatag ng katawan
At tibay ng isipang
Naghahanap ng makakapitan
Panumandaling tumigil
Ang ikot ng mundo
Huminto
Nagtago
Sa isang kalabang
Walang katawan
Walang isipan
Subalit makapangyarihan
Isang kalabang
Tahimik na sumisiksik
Sa bawat mahawakan
Tahimik na kumakapit
Sa ating marupok na katawan
Isang pakikipaglaban
Sa laro ng kapalaran
Habang sinusubukan
Ng mga doktor na dugtungan
Ang buhay na nakikipaglaban
Sa kamatayan
Subalit marupok
Maging ang mga mandirigma
Kulang ang baluti
Kapos ang kagamitan
Na sana'y magliligtas
Sa kanilang tagapagligtas
Isang pakikipaglaban
Sa tatag ng katawan
Sapagkat kasabay ng paghinto para mabuhay
Ay paghinto ng ikabubuhay
Nilang nakasalalay sa isang kahig
Ang bawat isang tuka
Natigil ang mga nagmamaneho
Huminto ang mga nangingisda
Napatda ang mga nagsasaka
At natigil ang daloy ng ekonomiya
Isang pakikipaglaban
Sa tibay ng isipan
Sa bagabag ng pusong
Tigib ng takot
Pangamba
Pangamba
Para sa mga buhay ng mga taong mahal natin
Pangamba
Para sa sarili nating buhay
Sapagkat alam nating kapag sinubok
Ng kapalaran
Baka hindi kayanin
Ng katawan
Ang pakikipaglaban
Isang kalaban
Ang tahimik na sumisiksik
Nagbabadya
sa marupok na katawan
Nanunukso
sa marupok na isipan
Sa labang ito
Maging ang matatapang na kabalyero
Ay natitibag
At ang matitikas na mandirigma
Ay nagugupo
Isang pakikipaglaban
Ang ating isipan
Ang unang natitibag
Ang ating puso
Ang unang nababasag
Kilalanin natin ang sakit
Yakapin ang pangamba
Sa panahon ng pakikipaglaban
Sa kamatayan
Kabutihan
Malasakit
Pang-unawa
Ang tangi nating makakapitan