Filipino: Mga Tula

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MatalinghagaBooks

Photo grabbed from CNN

Hakbang

Isusulat ng kasaysayan
Ang bawat hakbang na pinagdaanan
Silang mga abogado ng bayan
Patungo sa labanan
Kung saan ang ipinaglalaban
Ay kalayaan

Kalayaang magsalita
Kalayaang lumaban
Sa mapanikil na kapangyarihan

Dumarating na naman
Ang pambubusal
Ang pagpipilit na patahimikin
Ang mga boses na lumalaban
Sa mapang-abusong kapangyarihan

Subalit mas malakas
ang kalaban
mas makapangyarihan
Pagkat batas na miso
ang nagbababala
ang nambubusal

Ngayon,
kamalayan ng tao
ang kalaban
ang sambayanan
natututo na namang
tumanggap ng kahit ano na lang

Bulag sa itinatagong
pangil
kamandag
ng batas na nagbabantang
lumipol
sumikil
sa kalayaan

Tikom ang bibig
Buo ang suporta
sa batas na sisita
pipigil
gagapos
sa kalayaan

Tiwala na ang batas na ito
Ay magagamit lamang sa ibang tao
At hindi sa kanila mismo

Sana nga ay totoo
Ang naiisip nilang ito

Sapagkat sa kanilang suporta
Nabubuhay ang diktadura

Napagdaanan na ito
ng kasaysayan
Nakitlan na tayo noon
ng kalayaan

Subalit tila hindi pa rin
natututo
ang mga tao
Sapagkat ang kasaysayan
ay nauulit na naman

At sa gitna ng labang ito
Naririto
Naglalakad
ang mga abogadong ito
Patungo sa labanang
hindi tiyak ang panalo
Subalit susubok
na labanan
ang unti-unting pagbusal
sa kalayaan

Harinawa'y magtagumpay sila
Para sa bayan
Para sa ordinaryong
mga mamamayan

#JunkTerrorLaw

(c) Pebrero 2, 2021, Herbel Santiago

MGA NILALAMAN

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸