Buy books here. Donate through Paypal or here. 🧡🌸
#MatalinghagaBooks

Pag-ibig Na Sana
Alas-dose iyon,
oras ng tanghalian,
At katulad ng kapalaran ng lahat ng nilalang,
Fast food chain ang aking pinuntahan.
Doon kung saan nagsusubuan,
Ang sana’y nag-iibigang Yaya Dub at Alden,
Na tila parang baga sarap na sarap
Sa manok na kagat-kagat.
Nag-iisa ka sa sulok,
Doon sa may sofa,
Nang magtama ang ating mga mata,
Mata mo ang naunang nagbaba.
Kaya ang sabi ko’y pakialam ko ba,
May upuan naman sa may bandang kaliwa.
Ang kaso tila parang napagkit ‘ata,
Ang mata kong laging nagnanakaw ng tingin bigla,
Sa sulok mong mag-isang kumakain,
Kasi naman napansin ko bigla,
Para kasing ang gwapo mo yata.
Makinis ang lalaking-lalaki mong mukha,
Na may pangang hiniram sa artista,
Makakapal ang kilay na nagkakanlong,
Sa mga matang misteryoso.
Ang linis lang tingnan ng kulay asul mong polo,
At grabe lang ang biceps sa magkabilang braso,
Nakakaloka panigurado.
May bonus pa dahil ang linis mo,
Walang bahid ng dumi ang magkabilang kuko.
Ang totoo nagtatanong rin naman ako,
Kung lalaki ka bang totoo,
Para kasing nabibilang ka sa kabilang grupo,
Baka magkapareho tayo ng gusto,
At baka nga hindi tayo talo.
Pero dahil handa akong magpa-uto,
Iisipin ko munang lalaking-lalaki ka
at tapat na totoo.
Kasi naman sa tuwing mapapatingin ako sayo,
Nahuhuli ko rin ang mga mata mo,
Mga matang nangungusap at namimintuho,
Ibinababa ang mga ito kapag tumitingin ako.
Kaya naman bigla’y kinikilig ako,
Kasi para yatang magkapareho tayo.
Nang inimis mo ang iyong pinagkainan,
Tila may batong biglang dumagan.
Sa puso kong biglang nasaktan,
Iniwan mo na ako na parang ayoko naman.
Pero ikaw naman hindi pala tuluyang lumisan,
Nagtungo ka lamang sa lugar-pahingahan,
At nagpalipas oras,
Nagsindi ng sigarilyo,
Nanatiling nakatayo
Sa lugar na aking natatanaw.
Anong ginagawa mo at ayaw pang lumisan?
Hindi yata ikaw at ako ay nagkakaintindihan?
Hindi kaya pareho tayo
Na bukas ang isipan,
Handang magmina ng ginintuang alaala,
Sa isang ordinaryong umaga?
Hindi kaya kaharap ko na
Ang matagal ko nang hinahanap
Na magmamahal sa akin ng tapat?
At eto ka nga muling lumalakad,
Pabalik sa loob ng ating tipanan,
At muling naupo
Sa mesang katapat.
At lumapit ka pa,
Hanggang halos isang dipa
Ang matirang pagitan sa ating upuan.
Panumandaling nagtalo ang aking isipan.
Ako ba’y lalapit at magtatanong man lang?
Hindi kaya malubog ako sa labis na kahihiyan?
Ikaw kaya ang magtatanong at unang sisidlan
Ng kakaibang lakas ng loob at isipan?
Hindi ba ganito naman ang laging pinagsisimulan,
Ng mga palabas na ating kinahuhumalingan?
Hanggang sa pumatak ang mga oras,
At kainin ang natitira kong pahinga,
At wala na akong magagawa pa,
Kung hindi ang tumayo at lumarga.
Pero nanatili ka sa iyong pwesto,
At ako nama’y naglakad palayo,
Palayo sa lugar kung saan
Natapos ang istorya natin
Bago pa man ito magsimula.
At bukas,
ikaw at ako,
Ay mananatiling estranghero,
Magkita man tayo.
Wattys 2018 Shortlist