Filipino: Mga Tula

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MatalinghagaBooks

Hindi Lang Pisi ang Gumagapos

Tila madaling sabihin na taglay natin ang kalayaan,
Malaya tayong gumalaw
At magtungo kung saan.
Malaya tayong piliin ang landas na tatahakin,
At malaya ring lumiko sa eskinitang tatanggihan.

Sa pagdilat ng mga mata,
Tila sa alarm clock umaasa,
Saktong tunog sa panahong itinakda,
Panahong itinugma sa umagang hinulma
Ng lipunang ginagalawan.

Sapat na oras para ipag-inat at ipang-sepilyo
Gayundin para sa mabilisang paliligo.
May natitirang oras na para siguro sa pagtanga,
Pero tiyakin lamang na huwag sosobra,
Dahil kung hindi malalagot ka. 

Lalamunin ng kalsada ang natitira mong umaga,
At tiyak na mahuhuli ka,
At sigurado rin ang tapyas sa sweldong,
Inaasahan mo pa sana.

Kaya naman gigising ka ng maaga,
At mas maaga pa,
Kakalabanin ang hatak ng mapanuksong panaginip,
At makikipagbuno sa kadiliman ng gabi.
 
Kakalimutan na ang ilang minutong pagtanga 
Sa kawalan,
At pagsamyo sa namumukadkad na bulaklak
O pagbati sa sumilay na Haring Araw.

Sa pagpasok sa opisina,
Bubulabugin ka ng mga trabahong ayos sana
Kung isa
Subalit laging may isa at isa pa.
Ikaw naman ang pumili sa trabahong ito,
Kaya marahil tiniis mo.

At sa bawat papeles na natapos mo,
Alam mo kung ano ang katumbas na premyo,
May isang buhay na maaring magbago,
Sapagkat ito ang buhay ng pampublikong serbisyo.

Kaya naman nanatili ka,
Gayong hindi ka empleyado,
At hindi ka kargo,
Ng opisinang pinaglilingkuran mo.

Tikom ang bibig,
Sapagkat iisa lang ang batas na umiiral
At iyon ay ang sumunod sa 
may kapangyarihan.
 
Subalit nanatili ka,
Sapagkat alam mong may pakinabang ka,
Hindi na baling tila ‘ata luging-lugi ka.

Nanatili ka,
Sapagkat kumikita ka,
Hindi na baling kakapiranggot yata.

Kakalimutan mo ang halaga ng oras,
Panahong katumbas ng pakikipagkuwentuhan
At halakhakan.
Panahong para sana sa pakikipaghabulan,
Sa tsikiting sa damuhan.
Panahong laan sana sa pagbibigay-buhay
Sa pangarap na nagpapasikdo sa kalamnan.

Pero lilimutin mo iyon,
At papasok ka,
Hanggang ang araw ay maging buwan,
At ang buwan ay maging taon
Na hindi mo namamalayan.

Madali ngang magsabing taglay natin ang kalayaan,
Pero nanatiling sunod-sunuran tayo sa lipunan.
Nilikha upang manirahan sa mundong
Tila hindi ‘ata nauubusan
Ng kagustuhan at pangangailangan.
At mundong tila hindi natin kayang tanggihan. 
Marahil nga, hindi lang pisi ang gumagapos.

October 20, 2015
(c) Herbel Santiago

MGA NILALAMAN

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸