Filipino: Mga Tula

Buy books here. Donate through Paypal or here. 🧡🌸

#MatalinghagaBooks

Ipaalala Mo

Ngayon yata may bagay na usong-uso
Isulat mo sa facebook ko
Kung kelan tayo nagtagpo
Isama mo na rin kung bakit at kung paano. 

Pero may sikreto akong sasabihin sayo
Hindi ko naaalala
kung kailan tayo
nagtagpo.

Nabaon na sa limot ang araw na iyon
Nabalot na ng misteryo
ang pagtatagpong iyon
At lalo namang hindi ko na maisip
ang unang salitang sinabi mo. 

Noon,
marami rin akong bagay na nalilimutan

Nalilimutan ko
ang payong kung saan ko iniwan
Bagay na kabisado na ng aking Ina
Kaya ratatat siya sa pagpapaalala.

Nalilimutan ko
ang asignaturang dapat ipasa
Kaya magpapasa ng gawaing
katatapos lang itipa
At ang papel ay mainit-init pa.
Na tatanggapin ng mga guro na
may palatak na tumutunog pa. 

Maging ang telepono ko’y
nakakalimutan ko minsan
Naiiwan sa bahay,
mag-isang nag-aalarm
O naiiwan sa kaibuturan
ng hawak-hawak na lukbutan
Naghihingalo ang baterya
Natatakpan ng sangkaterbang kagamitan.

Pero may mga bagay akong naalala

Naalala ko
ang tunog ng hagikgikan
naming magkakaibigan 
Habang nagtutuksuhan
sa loob ng restawran
Yung tipong nag-order lang naman
ng halagang isang daan
Pero isang araw na ang dumaan
ay nasa loob pa rin ng restawran
Kaya naman nalimutan 
Ang payong na nasa labasan.

Natatandaan ko rin
ang malutong na “aha” 
Ng estudyanteng tinuturuan
Naalala ko
ang pagliwanag ng kanyang mukha
Dahil nalaman niyang
hindi naman pala siya tanga
At may ibubuga siya.
Kaya naman nalimutan kong
Maging ako
ay may asignaturang kailangang ipasa 

Naalala ko rin
ang hagikgik ng pamangkin ko
Habang nagtatagu-taguan siya at ako
Sa bahay naming pagkaliit-lit
at tanging sa banyo
Lang naman maaring magtago.
Pero bentang-benta sa bagets
ang pagpapanggap kong
Hindi kami magtagpo
Kaya nalilimutan ko
ang naghihingalo kong telepono.

Ikaw din naalala ko
Ang kwentuhan nating mas malabo
pa sa usapan ng mga matatalino
Yung mas maraming tawa keysa kwento
At yung kwento’y dinaig pa ang pabula at epiko
Dahil kung saan na nagsanga gayong
ang pinag-uusapan lang naman natin ay tabo.

Naalala ko rin
ang tahimik mong pakikinig
habang nagdadrama ako 
at nagagalit sa mundong
batbat ng gulo.
Hindi mo alam kung ano
ang sasabihin mo
Dahil ano ba ang malay mo
sa kaguluhan ng mundo ko?
Hindi mo naman trabahong
linisin ang problema ko.
Kaya isa lang ang sinabi mo,
"nandito ako."

Naiisip ko rin
ang pagtaas ng kilay mo
Ng malaman ang padalos-dalos kong desisyon.
Na hindi mo maintindihan kung saan ko hinugot
At lalong hindi mo alam kung saan patutungo. 

Naaalala ko ang init ng yakap mo
Ng malaman mong wala na ang ama ko.
Pinili mo ring dedmahin ang nakikita mong
pangingilid ng luha ko
Dahil alam mong mas mag-iinarte lang ako
Pag pinansin ang kahinaan ko. 

Kaya isasara mo ang bibig mo
At kakarayin ako
At pipiliting lumabas sa lunggang
pinagtataguan ko
At sa proseso nito,
hindi mo namamalayang ipinaalala mo
Na may kahulugan pa pala ang buhay ko. 

Kaya sa panahong may manghingi sa atin
ng detalye ng una nating pagtatagpo
Ikaw na ang magkwento
Dahil malamang makakalimutan ko

Ipaalala mo 

Sa akin naman kasi ay walang kaso
kahit ano
Kasi may ibang memorya
na mas mahalaga

Kaya ikaw na
ang magpaalala

Wattys 2018 Shortlist

(c) 2015, Herbel Santiago

MGA NILALAMAN

Buy books here. Donate through Paypal or here. 🧡🌸