Filipino: Mga Tula

Donate here: Paypal or here. 🧡🌸

#MatalinghagaBooks

Cafeteria

Sa isang maliit na kainan
Mayroong kanya-kanyang umpukan
Magkakatabi ang magkakaibigan
At naglalambingan ang magkakasintahan

Puno ng ingay ang paligid
Tunog ng hagikgikan
Ng magkakaibigan
Kalansing ng kubyertos ng nagsisikainan
At kalembang ng bell ng silid-aralan

Ang kainan ay daungan
Ng iba't ibang usapan
Ang hapag ay kanlungan
Ng iba't ibang mga tauhan

Sa may gilid ay naroroon
Mga mukhang araw-araw na naroon
Isang dekada na rin mula noon
At hanggang ngayo'y naroroon

Noon, araw-araw din tayong nagkikita
Pagkat dito ay kalahati
Ang babayaran ko
Na bahagi ng benepisyo
Ng pagiging isko

Noon, ang iyong ngiti
Ay tahanan
At ang inyong kuwento
Ay kaibigan
Ng isang natatakot na nilalang

Isang dekada na rin
Magmula noon
At sa pagbabalik ko'y
Nananatili kayong naroroon

Sa pagtingala ng inyong mukha
Saglit na naningkit ang inyong mga mata
Tila sinisino ang nasa inyong harapan

Hanggang sa pumunit
Ang alaala ng nakaraan
Saglit lang at sumilay
Bumalik ang ngiti
Nang matitigan at makilala
Ang mukhang nasa iyong harapan

Nalusaw ang isang dekada
Bumalik sa inyo
Ang mukha ng inyong estudyante
Na dati ninyong kinaibigan

Isang dekada na rin noon
Nang huli tayong magkita
Salamat at hindi niyo pa ako
Nalilimutan

Kayo man,
Hindi ko rin malimutan

Kasali kayo
Sa mukhang nakikita ko
Sa tuwing nakikisali ako
Sa mga proyekto
Na ang nais ay magdala ng pagbabago

At sa tuwing babalik ako
Sa institusyong ito
Bahagi kayo ng alaala ko
Kung ano ang Ateneo.

February 11, 2019

(c) Herbel Santiago

MGA NILALAMAN

Like what you read? You can support & donate through Paypal or here. 🧡🌸